MAGHAHAIN ng cyberlibel cases si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. laban sa mga indibidwal at grupong umano’y nasa likod ng orchestrated na pagpapakalat ng fake news online—mga kasinungalingang aniya’y malaki ang naging epekto sa kaniyang pagbulusok sa ika-14 na puwesto sa 2025 senatorial elections.
Sa isang panayam, iginiit ni Revilla na malinaw na orchestrated o planado ang pagkakalat ng fake news laban sa kaniya sa social media.
“Malungkot ako sa nangyari dahil biktima tayo ng fake news. Napaniwala ang ilan sa ating mga kababayan sa mga kasinungalingan. Hindi na dapat palampasin ito,” pahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Dagdag pa niya, kailangan managot ang mga nasa likod nito upang maprotektahan ang katotohanan at maipaalam sa mga botante, lalo na sa mga kabataan kung ano ang tunay na nangyari.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, legal counsel ng senador, nakatakdang magsampa ng cyberlibel cases si Revilla laban sa mga personalidad na nasa likod ng mapanirang mga post online.
Tinatayang nasa lima hanggang sampung vlogger, social media users, at website operators na nagpakalat ng maling impormasyon ang kakasuhan.
“We will choose kung sino ‘yung the ones who deserve to be charged, and who should be laid responsible for this. To serve as well as an example to the public. Hindi naman kinakailangan na lahat. Pero definitely there has to be somebody,” ayon kay Atty. Raymond Fortun, Legal Counsel ni Sen. Bong Revilla.
Isa sa mga pinakakontrobersiyal na pekeng post ay nagpakalat umano ng pahayag na isinasangkot si Revilla sa hindi pagsasauli ng umano’y P124M, bagay na mariing itinanggi ng kampo ng senador.
“Walang kahit anong utos mula sa Sandiganbayan na nagpapabalik sa kanya ng kahit anong halaga. Siya ay na-acquit noong 2018 at 2021,” paliwanag ni Fortun.
Binanggit din ni Fortun na bagamat hindi nila direktang itinuturo ang anumang political camp, sa kanilang paunang pagsusuri ay walang indikasyon na sangkot ang grupo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“It’s all a question of putting all the individuals together we are just trying to see the commonalty. There appears to be a commonality but the only commonality I can provide at this time is that it has nothing to do with the Duterte Group,” giit nito.
Samantala, ipinahayag ni Revilla na hindi lamang fake news ang nakaapekto sa kaniyang kampanya ngunit naniniwala siyang ito ang may pinakamatinding epekto sa kaniyang pagkatalo.
“Hindi naman tayo onion-skinned. Dahil marami na akong pinagdaanan sa public service. Lahat na lang siguro pinagdaanan ko na eh. Pero ‘yung mapaniwala natin ang taumbayan sa kasinungalingan, ‘yun ang ‘di tama. Kung nangyari ito noon, this time I will not allow it again. Kailangan mapanagot sila,” ayon pa kay Revilla.
Inaasahan na sa mga susunod na linggo ay maisasampa na ang mga kaso sa tulong ng NBI at aktibong pakikipag-ugnayan sa mga online platforms tulad ng Facebook upang matukoy ang mga nasa likod ng pekeng impormasyon.