BPI, nakikipagtulungan na sa DOJ para sa agri smuggling probe

BPI, nakikipagtulungan na sa DOJ para sa agri smuggling probe

NANANATILING bukas ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa pag-iimbestiga ng Department of Justice (DOJ) patungkol sa isyu ng smuggling.

Ito ang iginiit ni BPI Director Gerald Glenn Panganiban sa isang public briefing nitong Miyerkules.

Una nang inihayag ng DOJ na may mga iniimbestigahan na sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC) at maging sa BPI tungkol sa smuggling.

Ayon sa ulat, maaaring may nasasangkot din na taga-BPI kaugnay ng ilegal na gawain na ito.

“Tayo po ay nananatiling open sa kanilang pag-imbestiga and tayo po ay nagiging transparent naman po – kung may kailangan po silang information, tayo po ay nakikipagtulungan sa ating kasamahan sa DOJ,” pahayag ni Dir. Gerald Glenn Panganiban, Bureau of Plant Industry.

Pagdating naman sa mga na-expose na mga pangalan mula sa BPI ukol sa smuggling issue, ang pahayag ni Panganiban hinggil dito.

“Tayo po ay nag-participate doon sa mga congressional hearing na iyon na medyo tumagal po pero kami po ay nalulugod dahil po ang root ng problema ay atin talagang sinusolusyunan. Iyong mga nabanggit pong pangalan siguro po ay ipapaubaya ko na po doon sa mga nag-iimbestiga,” dagdag ni Panganiban.

Gayunpaman, tiniyak ni Panganiban na simula noong termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay pinaigting ng ahensiya ang biosecurity at mga hakbang ukol sa anti-smuggling.

Mahigpit aniya ang pagmo-monitor at surveillance ng BPI sabay nakikipagtulungan sa BOC at trading partners nito sa mga pumapasok sa bansa.

Bukod dito, nakikipagtulungan din ang Bureau of Plant Industry sa law enforcement authorities upang maiwasan ang naturang smuggling activities.

Sa katunayan, marami na aniyang nahuli at nakasuhan sa mga smuggler na ito.

“So, kapag mayroong mga derogatory reports ay atin po silang ina-alert at nakikipagtulungan po tayo sa kanila para mahuli po itong mga hindi magandang gawain,” ayon pa kay Panganiban.

Una nang naglabas ng mahigpit na babala si Pangulong Marcos laban sa mga smuggler at hoarder sa kaniyang ikalawang State of the Nation (SONA) nitong Lunes.

Giit ni Pangulong Marcos, isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng agri products ay ang smugglers at hoarders na nagmamanipula ng presyo ng produktong agrikultural.

“Pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo ring mga mamimili.”

“Bilang na ang mga araw ng mga smugglers at hoarders na ‘yan,” saad ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr.

Kasunod ng tagubilin ng Pangulo, tiniyak ni Executive Secretary Lucas Bersamin na malapit nang isampa ang mga kaso laban sa mga sindikato sa agrikultura.

“I think it will be very soon that cases will be filed against the real responsible for smuggling and food hoarding,” wika ni ES Lucas Bersamin, Executive Secretary

Ani Bersamin, na-validate na ng gobyerno ang intelligence reports sa pagkakakilanlan ng mga smuggler at hoarder.

Una nang inilahad ng DOJ na 15 taon nang nakalulusot ang smuggling ng sibuyas at bawang sa bansa at bilyun-bilyong pera ang involve dito.

Ayon sa DOJ at maging ng Palasyo, malinaw na economic sabotage ang smuggling.

Kaya naman, kung may ebidensiya na magdidiin sa taga gobyerno ay walang sasantuhin ang DOJ pagdating dito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter