Pagkakaroon ng tea plantation sa Pilipinas, pinag-aaralan ng Filipino-Chinese Community

Pagkakaroon ng tea plantation sa Pilipinas, pinag-aaralan ng Filipino-Chinese Community

PINAG-aaralan ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry Incorporated (FFCCCII) ang posibilidad na maging major tea producer din ang Pilipinas.

Ito’y sa ilalim ng proyektong Tea Corridor kung saan tinitingnan ang potensiyal na magkaroon ng tea plantations sa bansa partikular na sa Cordillera Region.

Sa Pandesal Forum, umaga ng Huwebes, sinabi ni FFCCCII President Cecilio Pedro na akma ang lupa at temperatura sa Cordillera kung kaya ito ang maaaring pagtamnan ng mga pananim na maaaring gawing tsaa.

Ngunit, iba’t ibang factors pa rin ang kailangan tingnan upang maisakatuparan ito.

Paliwanag ni Pedro, maaaring magkaroon muna ng pilot project kung saan kailangan madetermina ang klase ng tsaa na itatanim.

Kinakailangan din na mayroong sapat na pasilidad, logistics, pati ang mangyayaring market linkage.

Pero, nakikipag-ugnayan ang naturang grupo sa Department of Agriculture (DA) at sa lokal na pamahalaan sa nasabing rehiyon para sa kanilang plano na tea plantation.

Malaking bagay rin ito sa paglago ng ekonomiya kung saan maaaring i-export sa ibang bansa ang maaaning tsaa sa Pilipinas na makatutulong upang maitaas ang antas ng export industry sa bansa.

Sa panig naman ni Benguet Governor Melchor Diclas na bukas sila sa mga ideyang ito ng FFCCCII na makatutulong lalo na sa mga magsasaka.

Dagdag pa ng gobernador, kailangan lamang nila ng mga mamumuhunan na tutulong para masimulan at mapalago ang produksiyon sa lalawigan.

Ang DA naman ay suportado ang inisyatibo o pinaplano ng FFCCCII.

Sa ipinadalang mensahe ni Bureau of Plant and Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban, sinabi nito na maaaring ikonsidera ng ahensiya na maisama ang tsaa sa listahan ng High Value Crops.

Ito’y kung mapapabilang sa Provincial Industry Development Plans.

“On the DA side, maybe we can include tea in the list of High Value Crops if it is included in Provincial Industry Development Plans,” ayon kay Dir. Gerald Glenn Panganiban, DA-BPI.

Inialok ng DA official ang kanilang 5 research centers na maaring gamitin para makahanap ng tea varieties na papatok sa Philippine market.

“The BPI has 5 research centers around the country where we can try varieties needed by the market. Once we find out which variety is needed and what variety is appropriate, we can upscale tea farming in selected areas,” dagdag ni Panganiban.

Dagdag pa ni Panganiban, ang tea plantation ay maihahalintulad din sa nangyari sa Jeju Island sa Korea kung saan napalago ang pagtatanim ng osulloc tea.

Aniya, aabot sa 134 metriko tonelada ng nasabing tsaa ang inaangkat ng Pilipinas mula sa Vietnam at Tsina simula Enero hanggang Mayo 2023.

Punto pa niya, sa oras maabot ang mga volume na makapagbibigay-daan sa bansa na mag-export ay maaari din aniyang tumulong ang BPI sa pag-access sa merkado sa ibang mga bansa.

Kung saan, maaari ding mag-isyu ang BPI ng Sanitary and Phytosanitary Certificate kung kinakailangan.

“If we reach volumes that can enable us to export, we can also help with the market, access to other countries as BPI issues Sanitary and Phytosanitary Certificates it needed,” ani Panganiban.

Gayunpaman, sa oras na maging matagumpay ang pag-aaral na ito ay bukas ang Tsina na mamuhunan sa bansa.

Sa pag-aaral ng FFCCCII, kabilang sa mga lugar na maaaring pagtaniman ng red at black tea ay ang munisipalidad ng Kapangan at Bokod sa probinsiya ng Benguet.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter