BILANG pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan, itinaas ng BRP Teresa Magbanua (MRRV 9701) ang bandila ng Pilipinas habang nasa karagatan ng Japan.
Sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya, ipinahayag ng mga tripulante ang kanilang pagpupugay sa Inang Bayan at pagpapahalaga sa diwa ng kalayaan — kahit sila ay nasa malayo at nagsisilbi sa pandaigdigang misyon.
Magugunita na naglayag ang BRP Teresa Magbanua patungong Japan noong Hunyo 6, 2025, upang lumahok sa ikalawang Trilateral Maritime Exercise kasama ang United States Coast Guard (USCG) at Japan Coast Guard (JCG).
Ang BRP Teresa Magbanua, isa sa pinakamodernong barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ay kasalukuyang bahagi ng naturang pagsasanay na naglalayong palakasin ang kakayahan ng tatlong bansa sa pagsugpo sa transnational maritime crimes at pagtugon sa mga hamon sa seguridad sa karagatan.
Gaganapin ang Trilateral Maritime Exercise mula Hunyo a-16 hanggang Hunyo a-19, habang inaasahang makababalik sa bansa ang barko sa darating na Hunyo a-25.
Samantala, ang unang Trilateral Maritime Exercise ng PCG, USCG, at JCG ay isinagawa sa karagatang sakop ng Mariveles, Bataan noong Hunyo 2023.