NAKARANAS ng malakas na bugso ng hangin na dala ng nabuong buhawi kasabay ng pagbagsak ng malakas na buhos ng ulan ang mga taga-Santa Cruz, Maynila kahapon ng Miyerkules.
Sa video na kuha ng isang netizen, makikita na sa bahagi ng Avida Towers-San Lazaro nalipad ang mga road barrier at napahinto ang mga sasakyan dulot ng malakas na hangin na dala ng nabuong buhawi.
Sa isang video naman, makikita na ilang punong kahoy ang naputol at nabuwal dahil sa malakas na hangin.
Ilang residente naman ang nagpasilong sa kalapit na shopping mall upang maiwasan ang masamang panahon.
Batay sa 4:50PM thunderstorm advisory ng PAGASA, nakaranas ng intense to torrential rain showers na may malakas na hangin at pagkidlat ang Metro Manila sa loob ng 2 oras.
Ayon naman sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naabisuhan nila kaagad ang mga residente bago ang nangyaring weather phenomenon.
“Nakapaglabas din ng abiso ang ating tanggapan, dalawang oras bago umulan at maramdaman ang epekto ng thunderstorm sa lungsod,” ayon sa ahensiya.
Dagdag ng MDRRMO, agad silang nagsagawa ng clearing operations sa mga natumbang punong kahoy.
“May mga napaulat na tumumbang puno at kasalukuyan na ring nagsasagawa ng clearing operations ang ating tanggapan sa loob ng lungsod. Mayroon ding mga napaulat na minor flooded areas na agad din namang humupa sa loob lang ng ilang minute,” ayon sa MDRRMO.
Samantala, may binabantayan naman ang PAGASA na isang low pressure area sa may Borongan City, Eastern Samar.
Dahil sa nasabing low pressure area, makakaranas ng kalat kalat na pag-ulan dito sa Luzon Area ngayong araw ng Huwebes, Hunyo 23.