UMAGA pa lang nitong Biyernes, hindi na mapigilan ang pagdami ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Mahaba na ang pila ng mga pasahero sa ilang check-in counters.
Maging sa Immigration Area ay mahaba rin ang pila.
Kaya si Katherine kasama ang kaniyang pamangkin na pa-Cebu, alas-9:00 ng umaga ay nasa aiport na sila.
Ito ay kahit alas-6:00 pa ng gabi ang kanilang flight.
“Pinili na lang po namin na maaga pa rin para hindi na mahirapan pa papunta dito,” pahayag ni Katherine Valencia, Biyahero.
“Para hindi po maiwan ng flight tapos hindi rin stressed na nagmamadali ka,” aniya
Sa kabila ng mahabang pila ng mga pasahero sa check-in at Immigration counters, positibo ang naging assessment ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pag-iikot niya sa NAIA Terminal 3.
“’Yung pagpasok ng mga pasahero sa departure maayos din. ‘Yung check-in ng mga pasahero sa airline counters, maayos. Ang Immigration experience ay okay,” ayon kay Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.
Delayed flights, hindi maiiwasan—DOTr
Maaga ring tumungo sa NAIA ang magpamilyang ito para iwas-aberya sana.
Pero 5 hours delay ang kanilang flight patungong Cebu.
Mula alas-10:00 ng umaga, nailipat ito ng alas-3:00 ng hapon.
“Hassle kasi ‘yung book namin sa hotel sa Cebu dapat 12:00 nandoon na. Sayang naman ‘yung time,” ayon kay Yves Antonio, delayed ang flight.
Sabi ni Bautista, hindi ito maiiwasan.
“Hindi naman natin maiiwasan ang delay. Kanina may isang flight na delay. Pero ang mga airlines naman in coordination with MIAA ay mayroon silang ginagawang programa para maiwasan or mabawasan hirap ng ating mga pasahero,” wika ni Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.
Peak ng pagbuhos ng pasahero sa NAIA, asahan sa Biyernes at Sabado—DOTr
Pag-amin pa ng kalihim na congested na nga ang NAIA at may pangangailangan na ngang karagdagang infrastructure.
Nitong Huwebes naitala ang lagpas 140,000 na bilang ng mga pasahero.
Mataas ito sa normal na bilang mula 120,000 hanggang 130,000 na pasahero.
Inaasahan na sa Biyernes at Sabado ay aabot sa peak ang bilang ng mga pasahero sa NAIA.
Kaya abiso ng DOTr sa mga bibiyahe na tumungo sa airport ilang oras bago ang kanilang mga flight para iwas-aberya.
May payo rin ang DOTr sa mga nagbabalak na mag-last minute trip.
“Dapat gawin na natin ‘yung ating booking. Kasi bukas talagang punong-puno na. Siguro dapat as early as now kung gusto nilang lumipad and makakuha sila ng booking eh agahan nila ‘yung pagpunta sa airport,” dagdag ni Bautista.
PNP, handa sa dagsa ng mas maraming pasahero sa NAIA
Samantala, nakahanda naman ang Philippine National Police (PNP) sa padagsa ng mas maraming pasahero sa airport.
“Nakatemplate naman iyan, every year na iyan ginagawa natin. With these, ini-implement natin ulit. And with some variations with regards sa mga changes na nakikita natin. And to my assessment handa ang ating kapulisan,” saad ni PGen. Benjamin Acorda Jr., PNP Chief.
PNP, walang namo-monitor na mga banta sa seguridad
Sa ngayon wala namang namo-monitor ang pambansang pulisya na anumang seryosong banta na may kinalaman sa terorismo.
“Nevertheless, when it comes to yuletide season like this, gaya ng lagi nating sinasabi, when there are special occasions kagaya ngayon, we always expect for the worst, we prepare for the worst, and we hope for the best,” dagdag ni Acorda.