CALABARZON, may pinakamaraming mag-aaral para sa SY 2022-2023 ayon sa DepEd

CALABARZON, may pinakamaraming mag-aaral para sa SY 2022-2023 ayon sa DepEd

UMABOT na sa halos 18-M estudyante ang nakapagtala para sa School Year 2022-2023 kung saan may pinakamaraming nagpatala sa CALABARZON.

Ang CALABARZON ay kinabibilangan ng mga probinsiya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS),  umabot na sa 2,604,227 ang mga estudyante na nagpa-enroll sa Region IV-A o CALABARZON na sinusundan ng Region III o Central Luzon (2,046,017) at NCR  (2,020,134).

Pinakamababa naman sa  Cordillera Administrative Region (CAR) na may 232,001 ang mga estudyanteng nagpatala.

Sa kabuuan, umabot na sa 18 milyon o 17,900,833 ang mga nakapagpatalang mag-aaral na papasok sa Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

May kabuuang bilang na 1,186,012 sa Kindergarten; 8,235,937 sa elementarya; 5,789,747 sa Junior High School; at 2,689,137 naman sa Senior High School.

Una nang sinabi ng DepEd na kumpiyansa sila na kanilang maaabot ang  target enrollees para sa School Year 2022-2023 na 28.6 milyon.

Magpapatuloy ang enrollment hanggang pasukan sa Agosto 22, 2022.

May tatlong pamamaraan sa pagpapatala kabilang ang in-person, remote, at Dropbox enrollment.

Dagdag pa rito, ang mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital.

BASAHIN: Department of Education, suportado ang gagawing imbestigasyon ng Kongreso ukol sa biniling P2.4-B halaga ng laptops

Follow SMNI News on Twitter