ISINAILALIM na rin sa state of calamity ang Calasiao, Pangasinan dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Egay at habagat.
Ito ay alinsunod sa inilabas na Sangguniang Bayan Resolution No. 91 kasunod sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk and Reduction Council ng Calasiao.
Sa FB post ni Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay, nasa 14 na sitio sa kanilang bayan ay lubog sa baha.
Ipinag-utos din ni Macanlalay ang suspensyon ng pasok ng mga mag-aaral sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan ngayong araw, Hulyo 31.
Suspendido rin ang lahat ng trabaho ng kawani ng gobyerno maliban sa mga ahensiya o opisina na saklaw ng health, urgency, preparedness at response.
Una namang isinailalim sa state of calamity ang Dagupan City, Pangasinan; San Simon, Pampanga; lalawigan ng Abra, Mountain Province, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Cavite.
Layon sa pagdeklara ng state of calamity ay magamit ang pondo para sa tulong na ipamamahagi sa mga apektadong residente.