Catherine Camilon, sinaktan ng karelasyong pulis kaya balak makipaghiwalay nang nawala—CIDG 4A

Catherine Camilon, sinaktan ng karelasyong pulis kaya balak makipaghiwalay nang nawala—CIDG 4A

SINAKTAN umano ang nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon ng pulis na karelasyon nito.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) 4A Chief PCol. Jacinto Malinao, Jr. matapos makausap ang kapatid ni Camilon bilang bahagi ng imbestigasyon sa kaso.

Ayon kay Malinao, sinabi ng kapatid ni Camilon na sinaktan ni PMaj. Allan de Castro ang beauty queen nang sabihin nito sa asawa ng pulis na mayroong ibang karelasyon ang kaniyang mister.

Maliban dito, mayroon ding impormasyon ang mga awtoridad na balak nang makipaghiwalay ni Camilon kay De Castro kaya magkikita sana ang dalawa.

Sinabi ni Malinao na mariing itinanggi ng pulis ang akusasyon na nagkita sila ni Camilon dahil nasa Batangas Police Provincial Office umano siya nang mapaulat na nawawala ang beauty queen.

Samantala, nakita ng mga awtoridad ang hibla ng buhok at bakas ng dugo sa inabandonang kulay pulang Honda CRV na pinaniniwalaang pinaglipatan sa duguang katawan ni Camilon mula sa kaniyang sasakyan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter