PINAGTIBAY ng Commission on Higher Education (CHED) at National University Philippines (NU) ang kasunduan para sa programa na siguradong magpaiigting sa pagsasanay ng mga sports coach.
Araw ng Martes ay pinirmahan ng dalawa ang Memorandum of Agreement para sa kauna-unahang Tertiary Coaching Education & Development program sa bansa.
Ang naturang programa ay may layunin na gawing propesyunal ang mga sports coach.
Malaki ang paniniwala ni Chair Popoy na isa sa mga mahalagang hakbang sa paggawa ng mga world class na atleta ay ang tiyakin na ang bansa ay nagkakaroon din ng mataas na kalibre at bihasang coach.
Una nang inaprubahan ng CHED Commission en banc ang nasabing programa bilang bahagi ng pagbibigay-priyoridad sa tertiary sports.
Para naman kay NU chairman Dr. Hans T. Sy, ito’y kanilang ambag sa pagpapaunlad ng sports ng Pilipinas.
Sa kasunduan ay ipagagamit ng NU ang kanilang world class sports & training facilities, kasabay ng pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga sports coach.
280 scholars, sasabak sa coaching education and dev’t program ng CHED
Sa parehong press briefing ay inilahad ng NU na nakahanda na sila para sa pagpatutupad ng nasabing programa.
Ayon din sa NU, mayroon ng 280 scholars na sasailalim sa nasabing training program.
Ang mga scholar’s o coach ay pinili ng CHED at may pondo na P19-M.
Ang nasabing programa naman ay bukas para sa lahat ng professional coach o sa mga nagtapos ng kolehiyo.
Ang nasabing programa ay hindi eksklusibo sa National University, ayon sa CHED maaari din itong buksan sa iba pang mga paaralan na may sapat na kapasidad.