BINATIKOS ni Senador Raffy Tulfo ang Commission on Higher Education (CHED) sa hindi gumaganang public assistance hotline nito, na inaasahang unang takbuhan ng mga estudyanteng may mga ilalapit na reklamo laban sa kanilang paaralan.
Sa ginanap na Subcommittee hearing ng Senate Committee on Higher Education sa Senate Resolution No. 1302, tinalakay ang mga hinaing ng mga estudyante laban sa Bestlink College of the Philippines. Ayon sa reklamo, sapilitang pinasama ang mga mag-aaral sa isang off-campus activity na nauwi sa trahedya.
Bago maganap ang hearing, sinubukang tawagan ng staff ni Sen. Raffy na nagpanggap na estudyante ang official hotline ng CHED. Pagkasabi niya ng pangalan ng school, agad siyang ini-refer ng CHED employee sa NCR Regional Office na nakakasakop daw sa nasabing paaralan, pero palpak naman ang numerong ibinigay dahil hindi ito gumagana. Ang masaklap, nang tawagang muli ng kanyang staff ang unang numero ay ini-refer na siya sa 8888 o ang general citizens’ complaint number at sinabihan pang i-Google na lamang niya ang e-mail address ng Regional Office.
Dahil dito, ginisa ni Sen. Tulfo si CHED NCR Regional Director Dr. Jimmy Catanes, na inamin niyang aware siya sa problema ngunit wala itong ginagawa upang agarang maayos ito. Sinabi ni Catanes na nadatnan niya ang problemang ito noong siya ay mag-takeover sa CHED NCR office noong Enero 2025 kaya pinalagyan niya na raw ito ng bagong linya na 8403-2247.
Sa puntong ito, on-the-spot na tinawagan ni Sen. Tulfo ang bagong hotline, ngunit lalo lamang nag-init ang ulo niya dahil inirefer lamang din uli siya ng CHED employee sa lumang numero ng CHED NCR na palpak.
Iminungkahi ni Sen. Raffy kay Catanes na repasuhin na ang kanilang grievance mechanism systems. Dapat ding sibakin na ng CHED ang mga inactive hotlines na nakalagay sa CHED website at maglagay ng bago na tutugon sa mga hinaing ng mga estudyante, na sinang-ayunan naman ni Catanes.
Ang insidenteng ito ay nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas maayos na sistema ng komunikasyon at aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno upang matugunan ang mga reklamo at pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na ang mga estudyante.