OPISYAL nang sinimulan ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang taunang malawakang military drill—isang tatlong linggong pagsasanay na sumasaklaw sa iba’t ibang bahagi ng kanlurang at hilagang Pilipinas.
Ang mga lokasyong ito ay nakaharap sa dalawang sensitibong lugar—ang South China Sea at Taiwan—na kilalang flashpoints sa usaping panseguridad sa rehiyon.
Kahit pa may panawagan mula sa iba’t ibang bansa para sa mas pinalalim na pagkakaisa at diplomasya, tuloy pa rin ang matibay na pagsasanib-puwersa ng Pilipinas at U.S. bilang bahagi ng kanilang lumalawak na defense partnership.
Sa harap nito, tahasang ipinaabot ng Chinese Foreign Ministry Spokesperson na si Guo Jiakun ang pagkabahala ng Beijing—binigyang-diin niyang ang ganitong kilos ay may dalang banta sa katatagan ng rehiyon.
“Against this backdrop, the Philippines chose to conduct the large-scale military drills with this country outside the region and brought in strategic and tactical weapons,” wika ni Guo Jiakun, Spokesperson, Chinese Foreign Ministry.
Ayon kay Guo, ang naturang hakbang ay “detrimental” o nakasasama sa katatagan ng rehiyon—dahil maaari itong magdulot ng banta sa seguridad at makasama sa pag-unlad ng ekonomiya sa Asia-Pacific.
“To the detriment of regional strategic stability and regional economic prospects, which puts them on the opposite side of regional countries,” aniya.
Giit pa niya, ilang bansa sa Asya ang nagpahayag ng pagtutol sa mga ganitong military activities, dahil pinangangambahang magdulot ito ng lalong pag-igting sa tensiyon sa rehiyon.
Mariin ding binigyang-diin ng China na ang usapin ng Taiwan ay isang panloob na isyu, at bahagi ng kanilang pangunahing interes bilang isang bansa.
Dagdag pa ni Guo, tinututulan ng China ang paggamit sa isyu ng Taiwan bilang dahilan upang palakasin ang presensya ng militar sa rehiyon, dahil aniya, nagdudulot ito ng pagkaabala sa kapayapaan at katatagan sa Asia-Pacific.
Kaugnay rito, nanawagan ang China sa mga kasangkot na panig na umiwas sa anumang uri ng probokasyon, lalo na kaugnay ng isyu ng Taiwan.
“We urge relevant sides not to make provocation on the Taiwan question. Those who play with fire will perish by it,” aniya pa.
Sa kabila ng lumalalang tensiyon, patuloy pa rin ang panawagan ng ilang bansa sa rehiyon para sa mas bukas na dayalogo at pagkakaintindihan—upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Asia-Pacific.
Follow SMNI News on Rumble