Chinese government at Pilipinas, muling nagkasundo sa pagpopondo ng malalaking transpo projects sa bansa

Chinese government at Pilipinas, muling nagkasundo sa pagpopondo ng malalaking transpo projects sa bansa

NAGPAHAYAG ng interes ang Chinese at Japanese government na tutulong ito sa Pilipinas para sa pagpapalakas ng ekonomiya ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, muling nagkasundo ang Chinese government at ang Pilipinas para sa malalaking proyekto ng bansa.

Ayon kay Bautista, personal niyang nakausap si Chinese Ambassador Huang Xilian nitong nakaraang araw para pag-usapan ang mga big-ticket project para sa sektor ng transportasyon.

Sinabi ng kalihim, kabilang sa kanilang tinalakay ay ang mga pangunahing proyekto sa riles na pinondohan ng China gaya ng PNR South Long Haul Project North-South Commuter Railway, Subic-Clark Railway at Mindanao Railway Tagum-Davao-Digos.

“About the projects that were not implemented that they need to support, ito ‘yung PNR and Mindanao rail and the Subic Clark Railway System. So ‘yun ang pinag-usapan namin, we talk about the some issues and we agreed to again re-visit the projects,” pahayag ni Bautista.

Maliban diyan, napag-usapan din ng dalawang opisyal ang ilang China-Philippines Maritime Cooperation Projects partikular na ang hotline communication at legal affairs cooperation arrangements sa pagitan ng  Philippine Coast Guard at China Coast Guard.

Tinalakay rin ng dalawang opisyal ang kahalagahan sa maritime traffic safety, ferry safety, kung saan isang memorandum of agreement para sa maritime search and rescue, gayundin din ang capacity building para naman sa maritime governance, safety supervision at vessels safety inspection.

Binigyang-diin ng DOTr chief na sa pamamagitan nito ay mapapalakas pa ang bilateral relationship ng China at Pilipinas.

Samantala, nagkaroon naman ng bilateral coordination meeting kamakailan sina Sec. Bautista at ng Embahada ng Japan sa pangunguna ni Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko at maging ang Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ito ay upang talakayin ang inaabangang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway Project, LRT-1 Cavite extension, LRT-2 rehabilitation at ang MRT3.

Mababatid na bukod sa big railway projects, napag-usapan din ang partnership sa JICA para sa aviation, airports, road transport at maritime.

Sa gitna nito, tiniyak ni Transportation Sec. Bautista na itutuloy ng Marcos administration ang iba’t ibang transportation projects na sinimulan ng administrasyon ni dating Pangulong  Rodrigo Roa Duterte.

“Well, kailangan ituloy natin yung mga train projects, yung LRT,  yung extension yung up to Sucat ‘yan ‘yung itutuloy natin, ang trabaho niyan ay ongoing and hopefully by 2024 mag-o-operate na itong bagong linya ng LRT1 up to Sucat,” ayon kay Bautista.

Follow SMNI News on Twitter