PINAGBABAYAD ng Commission on Human Rights (CHR) ang CPP-NPA-NDF ng danyos sa pagpatay sa magpinsang Absalon.
Ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) ang lumabas na resolusyon ng Commission on Human Rights laban sa CPP-NPA-NDF.
Bukod sa pagkondena sa pagpatay sa magpinsang Absalon sa Masbate, pinagbabayad din ng danyos ang NPA sa pamilya ng mga biktima.
Welcome para kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang resolusyon ng CHR laban sa mga rebeldeng NPA na sangkot sa pagpatay sa magpinsang Nolven at football player na si Kieth Absalon.
Ayon sa PNP, magandang balita ang inilabas na resolusyon ng CHR sa Bicol region na nagsasabing nilabag ng CPP-NPA-NDF ang karapatang pantao kasunod ng pagkamatay kay Nolven at Kieth.
Nakasaad sa resolusyon ng CHR na ginawa ng mga rebeldeng komunista ang pag-atake nang walang pakundangan sa karapatang mabuhay ng isang tao at seguridad ng mga biktima.
Dapat din mabigyan ng angkop na kompensasyon ang pamilya ng mga biktima dahil sa insidente.
“The PNP hails this resolution from the CHR Region V as it highlighted the blatant disregard of the communist rebels to the right of innocent people to live,”ayon kay PGen. Guillermo Eleazar.
Ang nasabing resolusyon ay nagpapatunay lamang na hindi makatao ang CPP-NPA-NDF dahil sarili lamang nito ang iniisip at hindi ang kapakanan ng iba.
“Sa pamamagitan ng resolusyon na ito, napagtibay din ang katotohanan na ang kanilang mga sarili lamang ang iniisip ng mga rebeldeng ito,”dagdag nito.
Malinaw rin ayon sa PNP na mayroong hustisya sa bansa lalo na para sa mga biktima ng karahasan sa pangunguna ng CPP-NPA-NDF.
“Isang napakahalagang hakbang ang resolusyon na ito upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng magpinsang absalon,”saad nito.
Nagpasalamat din ang PNP sa CHR sa pagiging katuwang ng ahensiya sa pagpanig sa katotohanan laban sa insurhensiya at maling gawain ng mga komunistang teroristang grupo sa bansa.
“Tunay na kasangga ng PNP ang CHR sa pagkundena sa mga gawain nitong komunistang grupo na nagdudulot lamang ng kaguluhan, takot at pangamba sa mga komunidad,”ayon kay Eleazar.
Matatandaang, nitong Hunyo, naging biktima ng pagsabog ng improvised explosive device ang magpinsang Absalon na inilatag ng mga rebelde sa Masbate kung saan, ilang miyembro ng New People’s Army ang nasampahan na ng kasong kriminal dahil sa insidente.
Inako ng Communist Party of the Philippines at ng armadong sangay nito na New People’s Army ang hindi makatuwirang pagkamatay ng magpinsan.
Tiniyak ni Eleazar sa publiko na patuloy ang kanilang paghihigpit ng seguridad upang maiwasan ang panibagong pag-atake ng mga rebeldeng NPA.
Sinabi pa niyang ipagpapatuloy din ng PNP ang pakikipag-ugnayan at pakikiisa sa militar upang maihatid sa kamay ng hustisya ang mga miyembro ng komunistang grupo na siyang malaking banta sa mga komunidad.
Nito lamang nakaraang linggo nang personal na isinumite ng AFP sa PNP CIDG ang listahan ng nga paglabag ng CPP-NPA-NDF sa karapatang pantao gaya ng pagpatay, illegal recruitment lalo na sa mga menor de edad.