Cold storage facilities, ipatatayo sa iba’t ibang fish ports sa bansa—PBBM

Cold storage facilities, ipatatayo sa iba’t ibang fish ports sa bansa—PBBM

MAGLALAGAY ang gobyerno ng cold storage facilities sa iba’t ibang fish port sa bansa upang matugunan ang pagkasira ng mga huli ng mga mangingisda.

Ito ang mismong inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“So we decided that one of the areas that was identified was the spoilage of the fish doon sa handling from galing sa bangka, galing sa fishing boat, hanggang sa bagsakan, hanggang sa palengke napakalaki ang nagiging spoilage,” saad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang naturang video interview matapos ang sectoral meeting sa Malakanyang nitong umaga ng Martes.

Kasama ni Pangulong Marcos sa pulong sa Malakanyang ang mga kalihim at opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Cooperative Development Authority (CDA).

Tinalakay sa meeting ang Philippine Fisheries Program partikular kung paano tutugunan ang bumababang produksiyon ng palaisdaan at mabawasan ang pagkalugi pagkatapos ng ani o post-harvest losses.

Saad ng BFAR, ang kasalukuyang fish spoilage ay nasa pagitan ng 25 hanggang 40% dahil sa kakulangan sa post-harvest equipment tulad ng blast freezer at ice making machines gayundin ang mga pasilidad tulad ng cold storage warehouse at fish landing sites.

Ipinunto naman ng Punong Ehekutibo na kung maibaba ng bansa ang catch spoilage sa pagitan ng 8 hanggang 10 porsiyento, hindi na aasa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng isda mula sa ibang bansa.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang plano ay magtayo ng 11 pang cold storage facilities bukod pa sa mga ginagawa na sa iba’t ibang daungan sa mga lungsod ng General Santos at Cagayan de Oro.

Inaasahan ni Pangulong Marcos na ang cold storage facilities ay magiging operational na sa katapusan ng taong ito.

“So gumawa kami ng plano, may plano ongoing. Nagtatayo tayo ng cold storage facilities. May expansion sa mga ibang lugar kagaya ng GenSan, ng CDO, mayroon na silang facility at mayroon pang mga ilalagay sa ibang lugar. Altogether 11 areas we will be installing cold storage,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang pahusayin ang aquaculture sa bansa sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga palaisdaan upang mapalakas ang produksiyon.

“At ang pinakamalaking problema na nakita namin is the provision of credit na binibigyan – may pautang para sa ating mga fishermen para naman meron silang gagamitin, mayroon silang puhunan para pagandahin ang kanilang fishpond,” aniya.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na tinitingnan din nila ang mariculture upang palakasin ang food security ar fish output ng bansa.

Ang Mariculture o marine farming ay isang espesyal na sangay ng aquaculture na involve ang cultivation ng marine organisms para sa pagkain at iba pang animal products sa enclosed sections ng open ocean, fish farms na itinayo sa littoral waters, o sa artificial tanks, ponds o raceways na puno ng tubig-dagat.

“Kaya’t tiningnan namin gagawa kami ng plano, ng DA (Department of Agriculture), Fisheries, gagawa kami ng plano para ma-encourage, para naman hihikayatin natin na ‘yung ating mga negosyante pumasok sa mariculture para matulungan ang ating mga mangingisda para matulungan ang kanilang value added,” aniya pa.

Sa kabilang banda, inilahad naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na makikipag- ugnayan sila sa DA para sa infrastructure support partikular sa fish ports projects.

“Actually, we are coordinating with the Department of Agriculture actually for the needed infrastructure support sa kanilang mga production areas. So, I mean, we will be coordinating with them, actually where they will be locating all these facilities and the DPWH will be available actually to provide and implement these projects with them,” ani Sec. Manuel Bonoan, DPWH.

Follow SMNI NEWS in Twitter