MAY mga mambabatas sa Kamara na nagtutulak na mauna ang Cha-Cha plebiscite bago ang 2025 Midterm Elections.
Ibig sabihin gusto ng mga ito na bago magtapos ang taong 2024 ay magkakaroon na ng plebisito para sa pagbabago ng Saligang Batas.
Pero hindi komportable dito ang Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, gahol aniya sila sa panahon para sa mga kailangang preparasyon para dito.
“Medyo nagigipit na kami sa panahon. Kulang na kulang na kami sa oras sa paghahanda natin sa eleksyon na dalawa sa 2025. And so ‘yung pagko-conduct ng halalan bago matapos ang taon, medyo sa ating palagay ay gipit na rin po ang inyong Commission on Elections. Ngayon po ay nasa buwan na tayo ng Marso. Magkakaroon ng massive procurement at preparasyo. Hindi na po siguro kakayanin,” saad ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Ang bersiyon ng Senado una gusto na isabay ang Cha-Cha Pleb sa midterm elections para makatipid.
Bagay na ayon sa COMELEC ay kaya nilang gawin pero aniya kung anuman ang madedesisyunan ng lehislatura at ehekutibo ay susunod sila dito.
“’Yung katanungan kung pwede bang pagsabayin o hindi that is a legal issue and a political issue which the COMELEC cannot interfere,” ani Garcia.
“The COMELEC will always respect the decision of our political departments—the executive and legislative departments of government,” dagdag nito.
Samantala, may mga patakaran noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) ang gusto ng COMELEC na maipatupad din sa darating na 2025 National at Local Elections.
Mga tatakbo sa midterm elections, idedeklarang kandidato sa oras na makapaghain ng COC—COMELEC
Isa na rito ay ang pagdedeklara sa mga aspirant bilang kandidato sa oras na sila ay makapagfile ng Certificate of Candidacies (COCs).
Ibig sabihin, hindi tulad ng mga nakaraang malaking eleksiyon, hindi na hihintayin pa ng COMELEC ang mismong araw ng panahon ng pangangampanya para maideklara silang kandidato at makapagsagawa ng paghihigpit para maiwasan ang kaguluhan sa eleksiyon.
Para sa 2025 Midterm, bubuksan ng COMELEC ang aktibidad para sa COC filing sa buwan ng Oktubre.
Ayon sa COMELEC, dapat kasabay ng COC filing ay pagbabantay sa mga illegal na aktibidad tuwing eleksiyon tulad ng premature campaigning.
“Dapat kapag nag-file sila ng candidacy sa October, dapat ay considered na silang candidates na, katulad ng ginawa natin sa BSKE upang gawin natin na pantay pantay, mahirap ka man o mayaman na kandidato, hindi yong advantages sa napakadaming pera. Panu yong wala kang pera, papaano naman yong mga kalsada natin, nagsisidumi na. Hindi kami pwedeng magtanggal, tapos naglipanan pa doon ang mga firearms, kahit mga lisensyadong baril dahil wala pang election period,” diin ni Garcia.
Nag-iingat din ang COMELEC na hindi na maulit ang nangyaring Maguindanao Massacre.
“Ang Maguindanao Massacre, nangyari Nnovember noong filing ng candidacy, sa Maguindanao, wala pang election period, walang kapangyarihan yong COMELEC, paano mapipigilan yon eh ni hindi ka pwede mag set-up ng check point. Ang sinasabi natin para maiwasan ang violence at may kontrol kami sa nangyayari,” aniya.
Bukas naman ang COMELEC sakali may kokontra nito sa korte.
“The COMELEC will do as is kung ano po yong plano natin, sakali pong pigilan tayo ng Korte Suprema, sakaling may magfa-file ng petition para kwestyunin ang COMELEC, igagalang po natin yan, ang importante po ay may ginagawa ang komisyon,” aniya.