COMELEC Chairman Garcia, isasalang sa Commission on Appointments ngayong umaga

COMELEC Chairman Garcia, isasalang sa Commission on Appointments ngayong umaga

MAGKAHALONG kaba at pagpapasalamat ang nararamdaman ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa kanyang pagsalang ngayong umaga sa Commission on Appointments (CA).

Sa isang text message ay sinabi ni Garcia na kanya na lamang iaasa sa Diyos ang kanyang magiging kapalaran sa pagdinig.

“Dios higit sa lahat ang may alam ng ating kinabukasan,” pahayag pa ni Garcia.

Batay sa abiso ng Senate secretariat, si Garcia ay nakatakdang isalang sa CA mamayang alas nuebe ng umaga.

Si Garcia ay unang itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang commissioner kung saan kabilang ito sa nanguna sa operasyon para sa 2022 national and local elections.

Sa kabila ng ad interim appointment ni Duterte kay Garcia bilang commissioner, ay na bypass naman ito ng CA ng 18th Congress, pero nakabalik sa parehong opisina matapos in-appoint ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. bilang chairman.

Bukod kay Garcia, na dating elections lawyer ni PBBM, ay isasalang din ngayong araw sa CA ang ad interim appointment ni Civil Service Commission Chairman Karlo Nograles na dating appointee rin ni Duterte na na-bypass ng CA ngunit ibinalik ni Pangulong Marcos sa parehong opisina.

Sa 18th Congress ay dalawang beses na ipinagpaliban ang pagdinig sa appointment ni Garcia hanggang sa na-bypass ito sa ikatlong pagdinig sa huling araw ng sesyon ng Kongreso dahil sa kakulangan ng quorum.

Batay sa Rules of Appointment ng Pangulo, si Garcia at Nograles ay nakabalik sa parehong opisina dahil bukod sa pinili sila ng bagong Pangulo ay hindi rin sila ni-reject ng Commission on Appointments.

Follow SMNI News on Twitter