COMELEC, handang humarap sa imbestigasyon vs. accreditation ng Automated Election System

COMELEC, handang humarap sa imbestigasyon vs. accreditation ng Automated Election System

PUNTIRYA ngayon ng mga kritiko ang kawalan pa rin ng Commission on Elections (COMELEC) ng accreditation pagdating sa gagamiting Automated Election System sa May 12 midterm elections.

Gusto pa nga ni Senadora Risa Hontiveros na magbukas ng pagdinig hinggil dito dahil dapat daw’ng may accreditation na ang poll body tatlong buwan bago ang halalan.

Si COMELEC Chairman Atty. George Garcia, handa raw humarap sa imbestigasyon.

Ayon kay Garcia, hindi mandatory o obligado ang COMELEC na makapag-secure agad ng accreditation.

Kung matatandaan aniya na noong May 12, 2022 elections ay May 6 lumabas ang accreditation sa sistema ng halalan habang lumabas naman noong May 13 ang accreditation para sa May 15, 2019 elections.

Sa eleksyon noong 2013, tapos na ang halalan saka aniya nagkaroon ng source code review.

Paliwanag pa ni Garcia, hindi pa nakakakuha ng akreditasyon ang komisyon dahil kasama na ang internet voting sa overseas bilang ikatlong sistema ng halalan.

Sa ngayon kasi’y nakatakda pa lang na isailalim sa trusted build review ang internet voting habang tapos na ang para sa makina at transmission.

Napag-alaman naman na ang issuance ng certification ay nasa ilalim ng Technical Evaluation Committee (TEC) na isang independent entity.

Ang TEC Certification ay nanggagaling sa isang international certification body.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter