NAKAPAGTALA ng halos tatlong milyong aplikante para sa voter registration ng Commission on Elections (COMELEC).
Batay sa datos na inilabas ng COMELEC, nasa mahigit dalawang milyon at pitong daang voter registration applicants na ang naitala mula noong September 1, 2020 hanggang April 20, 2021.
Matatandaan na sinuspinde noong Abril a-dose ng Comelec ang voter registration para sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Abra, Quirino at Santiago City, Isabela hanggang Abril a-trenta dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.
Samantala, sinuspinde rin ang pamimigay ng voter certification sa mga lugar na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine(MECQ).
Patuloy naman ang voter registration sa ibang bahagi ng bansa o sa mga lugar na isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) o Modified Community Quarantine (MCQ).
Magtatapos naman ang voter registration hanggang Setyembre a-trenta ngayong taon.