COMELEC, sinermonan dahil sa kumplikadong proseso ng pagbawi ng pirma kaugnay sa PI

COMELEC, sinermonan dahil sa kumplikadong proseso ng pagbawi ng pirma kaugnay sa PI

KUMPLIKADO at malabong proseso ng pagbawi o pagbura ng lagda ukol sa People’s Initiative (PI) ang dahilan kung bakit nakatanggap ng sermon ang mga representante ng Commission on Elections (COMELEC) sa ginanap na public hearing ng Senado sa Davao City.

Sa ginanap na public hearing ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinangunahan ni Sen. Imee Marcos kasama sina Sen. Christopher ‘Bong’ Go at Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay napagsabihan ng komite ang mga kinatawan ng COMELEC dahil sa umano’y ‘di tamang proseso ng pagbawi ng pirma kaugnay ng PI.

Nag-ugat ang pagsita sa mga opisyal matapos magtanong ang isa sa mga resource persons na si Brgy. Captain Rene Estorpe ng Agdao District sa Davao City kung paano mababawi ng kaniyang mga nasasakupan ang kanilang mga pirma na bunga lamang ng panloloko o panlilinlang ng kontrobersiyal na PI.

Depensa ng mga COMELEC official ay naghihintay pa sila ng guidelines sa nakatataas sa kanila pero ‘di naman ito pinalampas ng komite.

Kinuwestiyon ni Sen. Imee na siyang presiding officer ng nasabing public hearing ang proseso na tila hindi malinaw at walang tamang panuntunan para sa mga nais bawiin ang kanilang lagda.

Samantala, sa ngayon ay hindi na tumatanggap ng signature forms ang COMELEC matapos makatanggap ng direktiba simula noong Enero 29, 2024.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter