Contingency plan, inihanda na ng AFP kaugnay ng unilateral fishing ban ng China

Contingency plan, inihanda na ng AFP kaugnay ng unilateral fishing ban ng China

MULING binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang matinding pagtutol nito sa unilateral fishing ban ng China sa South China Sea.

Sa isang public briefing nitong Biyernes, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na walang legal na basehan ang nasabing hakbang ng China.

“Nasabi na rin ito ng ating Department of Foreign Affairs, na ang ban na ito na nag-i-effect from May 1 to September 16, actually exceeds ‘yung rightful maritime claim ng China under the UNCLOS.”
“And ibi-breach nito, ito ay naglalabag ng ating lumabas na arbitral decision nung 2016 which upholds the fishing privileges of the Filipino fishermen in the West Philippine Sea,”
wika ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Kaugnay rito, sinabi ni Padilla na nakahanda na ang kanilang contingency plan sakaling ituloy ng China ang banta nitong hulihin ang mga dayuhang mangingisda sa South China Sea.

Gayunpaman, hindi muna aniya isasapubliko ng AFP ang mga planong ito para hindi mabasa ng Beijing ang galaw ng militar.

“We have contingency plans that are in place in case that these ICAD activities of Chinese will pursue.”

“Ang ating Sandatahang Lakas ng Pilipinas, we are guided by the Constitution and the principles of the national sovereignty,” dagdag ni Padilla.

Iginiit din ng tagapagsalita ng AFP na walang foreign entity ang may awtoridad na pagbawalan ang Pilipinas na gamitin ang ating karapatan sa soberaniya sa ating exclusive economic zone.

Regular na pagpapatrolya ng mga barko ng Pilipinas sa WPS, patuloy kahit malayo na ang ‘monster ship’ ng China

Samantala, sinabi ni Padilla na malayo na sa exclusive economic zone ng Pilipinas ang namataan kamakailan na monster ship ng Chinese Coast Guard o Coast Guard 5901.

Sa kabila nito, patuloy pa rin aniya ang regular na pagpapatrolya ng mga barko ng AFP sa West Philippine Sea partikular sa Bajo de Masinloc.

Isinalaysay ng opisyal na ang nasabing monster ship ay dumaan lang at bahagi aniya ito ng illegal, coercive, agressive at deceptive activities ng China.

Mariin ding pinapahayag ni Padilla ang matibay na pangako ng AFP na ipagtatanggol ang soberaniya ng bansa at pangangalagaan ang mga interes dito.

Kasabay rito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda.

“So ang gagawin natin ay paiigtingin ang ating hakbang sa seguridad dyan po sa ating nga karagatan at magsasagawa tayo ng mas malawakang kooperasyon sa iba’t ibang entities like ‘yung …..”

“At whole of government approach,” ani Padilla.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter