COVID-19 Alert Level sa bansa, delikado pang tanggalin – Presidential adviser

COVID-19 Alert Level sa bansa, delikado pang tanggalin – Presidential adviser

INILAHAD ng isang presidential adviser na delikado pang alisin ang COVID -19 alert level system sa bansa.

Giit ng opisyal, kailangang mataas ang percentage ng nabigyan ng COVID-19 booster shots bago mag-alert level 0.

Sa katapusan ng Marso, mapapaso na ang umiiral na Alert Level 1 sa maraming bahagi ng bansa partikular sa Metro Manila.

Kaya naman napag-uusapan na ngayon kung ano ang magiging panibagong alert level status pagdating ng Abril.

Ayon kay  Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, may problema pa pagdating sa bilang ng nakakuha ng booster shot na nasa 30 percent pa lamang sa National Capital Region (NCR).

Hindi katulad ng primary doses na halos 100 percent na samantalang sa ibang lugar naman  mas mababa pa sa 10% ang nakatanggap ng booster jabs.

Kaya naman sabi ni Concepcion, delikado pang tanggalin ang alert level lalo’t hindi pa makikita ngayon ang posibleng COVID-19 surge.

“So delikado pong buksan natin at tanggalin iyong alert level natin hanggang maayos ito. At iyon ang problema natin, hindi ngayon ang posibleng surge ‘no. Ang posibleng surge ay baka nasa second half tayo,” ani Concepcion.

Ang pahayag ni Concepcion ay kasunod ng tanong kung handa na ba talaga ang Pilipinas sa mas mababa pa o pagtatanggal ng alert level pagsapit ng Abril.

Sa gitna rin ito ng walang naitatalang epekto sa COVID-19 cases ang ginagawang political rallies  nitong mga nakaraang linggo.

UNA nang inihayag ni Concepcion na malabong mag-Alert Level 0 sa Abril.

Giit ng presidential adviser, dapat mataas ang percentage ng nabigyan ng COVID-19 booster shots bago mag-alert level 0.

“I am all for Alert Level Zero, pero dapat mataas iyong percentage of boosting sa mga LGUs,” ayon kay Concepcion.

Kailangan kahit nasa 70 to 80 percent ang booster coverage ng bansa bago tanggalin ang emergency health status para hindi matulad sa ibang lugar na may surges.

Dito sa Pilipinas, saysay ni Concepcion, maganda ang COVID situation sa kabila ng dumaraming taong lumalabas at  may nagaganap pang rallies.

Pahayag ng presidential adviser, ang magandang datos sa COVID situation sa bansa ay bunsod ng pagbabakuna at pagkakaroon ng natural immunity dahil sa unang wave ng Omicron.

Follow SMNI News on Twitter