CPP-NPA, planong maghasik ng masamang propaganda vs BBM –  dating kadre

CPP-NPA, planong maghasik ng masamang propaganda vs BBM – dating kadre

IBINULGAR ng isang dating kadre ang plano di umano ng CPP-NPA na propaganda na ipakakalat at ipapahid sa frontrunner sa presidential race na si Bongbong Marcos.

Sa ‘Diretsahang Pananaw’ forum ni Atty. Al Vitangcol, inilahad ng dating kadre ng rebeldeng teroristang komunista ang pinaplano ngayon ng mga CPP official na nakabase sa Amerika at Canada.

Ayon kay Ka Jun Jimenez na sinasabing 3 dekadang naging kadre ng CPP-NPA, plano ngayon ng komunistang grupo na buhayin ang isyu ng Plaza Miranda bombing.

Gagamitin aniya ng CPP-NPA ito laban kay BBM na siyang nangunguna sa presidential race kung pagbabasehan sa mga resulta ng surveys.

Agosto 21, 1971 nang maganap ang Plaza Miranda bombing sa Maynila  sa kasagsagan ng political rally ng Liberal Party.

Sinasabi noon na kagagawan ni dating Presidente Ferdinand Marcos Sr. ang insidente para di umano’y may rason itong magdeklara ng martial law.

Pero ayon kay Ka Jun, ito ay hindi totoo dahil ang mastermind nito ang mismong nag-recruit sa kanya noon na si Joma Sison.

Dagdag pa ni Ka Jun, nagpatawag pa noon ang Senado sa panahon ng Cory administration ng imbestigasyon sa naturang bombing incident.

Sa kabila ng maraming testigo ng dating mga kadre ay bigla na lang walang nangyari.

Ang isyung ito noon ani Ka Jun ay umano’y gagawan muli ng eksena ng mga kaliwa na kanilang ipupukol kay BBM.

Inilabas ani Ka Jun itong impormasyon para maipabatid sa publiko ang katotohanan at malabanan ang kasinungalingan na muling palulutangin ng mga kaliwa.

Ito ang dahilan kung kaya’t nakipagugnayan si Ka Jun kay Atty. Larry Gadon para maisapubliko at maagapan nang maaga ang plano ng mga teroristang komunista.

Ani Ka Jun na gaya noon, nagsanib pwersa di umano muli ang dilaw at ang mga komunista.

Samantala, sa kaparehong forum ay ipinahayag naman ng grupong League of Parents of the Philippines (LPP) ang kanilang pakikiisa sa kampanya ng Duterte administration kontra CPP-NPANDF dahil sa mga panlilinlang ng mga ito.

Paalala naman ni Gadon sa publiko na huwag nang magpadala o agad maniwala sa mga propaganda ng kaliwa.

Follow SMNI News on Twitter