OPISYAL nang ipatutupad ng Department of Agriculture ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karneng baboy sa National Capital Region, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.
Ito ay matapos pulungin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga stakeholder sa industriya ng baboy upang pag-usapan ang tamang presyo na makikinabang ang parehong nagtitinda at mamimili.
Sa naturang pagpupulong, napagkasunduan ng DA at mga stakeholder na ipako sa P350/kg ang presyo ng pork kasim at pigue, habang P380/kg naman ang pork liempo.
Ang bagong patakarang ito ay magiging epektibo simula Lunes, Marso 10, pero limitado lamang ito sa National Capital Region.
“Katuwang po nito ay magkakaroon din ng MSRP para naman sa sabit ulo na magkakahalaga naman po ng P300/kg,” ani Asec. Arnel De Mesa, Spokesperson, DA.
“’Yung desisyon kanina ay unanimous, ni walang binigay na figure ang DA—kaisahan talaga ang industriya para matulungan ang mga consumer,” wika ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Layon ng hakbang na ito na mapagaan ang pasanin ng mga mamimili sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang karne.
Ayon sa DA, isinasaalang-alang sa bagong pricing initiative ang mga hamong kinakaharap ng industriya ng baboy—kasama na rito ang epekto ng African Swine Fever (ASF) na patuloy na nagpapahirap sa suplay ng baboy sa bansa.
Samantala, isang pork retailer ang nagbahagi ng kanyang saloobin ukol sa mataas na presyo ng baboy na kanilang kinukuha mula sa mga supplier.
“Kami pong mga retailer ay umiiyak po kasi matumal po talaga nung palengke at hindi rin po namin gusto ‘yun na tumaas nang tumaas ang baboy. Kami po ay dependent sa consumers—kapag walang namimili ay hindi rin po kami mabubuhay po,” ayon kay Manny Pareja, President, United Vendors Las Piñas Public Market.
Rerepasuhin ng DA ang MSRP makalipas ang isang buwan upang matukoy kung may kailangang pagbabago o pagsasaayos sa itinakdang presyo.
Gayunpaman, hindi sakop ng MSRP ang baboy na ibinebenta sa modern markets gaya ng mga supermarket at hypermarket, dahil sa mas mataas na operating costs ng mga ito.
Follow SMNI News on Rumble