Daang-daang ROTC cadets sa Metro Manila, lumahok sa NCR Leg ng PH ROTC Games

Daang-daang ROTC cadets sa Metro Manila, lumahok sa NCR Leg ng PH ROTC Games

KASUNOD ng matagumpay na Luzon, Visayas at Mindanao Leg, opisyal nang binuksan nitong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium sa Rizal Memorial Sports Complex ang NCR Leg ng Philippine ROTC Games.

Daang-daang ROTC cadets mula sa 32 kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila ang lumahok sa nasabing palaro.

Naniniwala si Sen. Francis Tolentino, chairperson ng ROTC Games, na sa pamamagitan ng nasabing palaro ay makatutulong ito sa ‘’total development’’ ng mga kadete.

‘‘Ang nakikita ko rito para makita ‘yung ROTC bilang ROTC program hindi lang parang military training. Parang total development of the personality of the cadet as student, as a Filipino, as a youth. Dapat maging role model,’’ ayon kay Sen. Francis Tolentino, Chairperson, Philippine ROTC Games.

Tatagal ang ROTC Games sa Metro Manila mula Oktubre 8-15.

Susundan naman ito ng championships na gaganapin din ngayong Oktubre.

Jiu-jitsu at swimming, planong isali sa ROTC Games sa susunod na taon

Inilahad naman ni Tolentino na plano nilang madagdagan ang sport na lalahukan sa ROTC Games.

Sa ngayon, nasa pitong sports ang nasabing palaro kabilang ang volleyball, basketball, kickboxing, arnis, athletics, boxing at E-sports.

‘‘‘Yung obstacle course. Hinihintay iyan eh. Medyo iba lang ‘yung equipment ng obstacle course. At tsaka swimming. Swimming should be part of the next year’s event. And then siguro isang combat sports. Baka jiu-jitsu,’’ saad pa ni Sen. Tolentino.

Follow SMNI NEWS on Twitter