Confidential funds ng NBI para sa 2024, pinadadagdagan 

Confidential funds ng NBI para sa 2024, pinadadagdagan 

IMINUNGKAHI ni Sen. JV Ejercito na dagdagan ang confidential funds ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa susunod na taon.

Sa budget hearing ng Department of Justice (DOJ) ay pinuna ng senador ang aniya’y napakababa na P475,000.00 na pondo ng NBI para labanan ang cybercrime sa bansa.

“Dito po sa budget ang Office of Cybercrime, ang intel nila is only P475,000. So, medyo mababa ito considering that other departments right now…especially those civilian in nature are asking for, lahat sila po nanghihingi na ng intel funds.” I guess, these are the agencies we really have to put confidential funds kasi nga as I mentioned, this is the new crime that we are facing right now, the new enemy that we are facing now,” saad ni Sen. JV Ejercito.

Sa ilalim ng 2024 proposed national budget, P175-M ang nakalaan para sa confidential funds ng NBI.

Ngunit ayon kay NBI chief Menardo de Lemos ay malaking bagay o tulong sa kanila kung ito ay madagdagan pa.

Inilahad naman ni Sen. JV, bagamat P250-M ang nakalaaan na confidential funds sa DOJ, kung saan bahagi ang NBI, ay malaking bahagi naman nito ay napupunta sa mga tipster at ang mga nasa ilalim ng witness protection program.

Dagdag naman ni Justice Secretary Crispin Remulla, nasa 20 lamang ang kanilang tauhan na nakatutok sa mga kasong cybercrime.

“Kung talagang susundan po natin, kung meron po tayong cybercrime prosecutors na specialized, we will be needing at least 200 people for this kasi ang krimen po ngayon 90 percent po meron nang cybercrime content.”

“In fact, ‘yung mga holdap po ng bangko wala na ho tayong naririnig pumapasok sa bangko na may hawak ng baril. Ang nangyayari po sa mga computer po natin tsaka sa telepono ninanakaw ang pera,” pahayag ni Sec. Crispin Remulla, Department of Justice.

Ipinaliwanag din ni Remulla na ang pondong ibubuhos sa Cybercrime office ng NBI ay hindi kapareho sa Department of Information and Communication Technology (DICT) na mayroon ding anti-cybercrime division.

“Kami po kasi prosecution t’saka yung investigation dito, kriminal talaga eh. Sa DICT po is technical. Sa amin po ‘yung criminal investigation,” ani Remulla.

Matatandaan na sa mga nakaraang budget hearing sa Senado ay iminungkahi ng ilang mambabatas na ilipat na lamang sa NBI ang confidential funds ng mga civilian agencies tulad ng DA.

Matatandaan na ikinababahala rin ngayon ang nangyaring hacking sa website ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Follow SMNI NEWS on Twitter