NAMATAAN ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang dalawang low pressure areas (LPA) sa silangang bahagi ng Mindanao ngayong umaga.
Huling namataan ang isa sa dalawang LPA sa loob ng Philippine are of responsibility (PAR) na may layong 335 kilometro sa silangan timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur kaninang alas tres ng umaga.
Ayon kay weather specialist Benison Estaraja, hindi magdudulot ng tropical depression ang nasabing weather disturbance ngunit magbibigay ito ng mahina at paminsan ay malakas na pag-ulan sa Palawan, Visayas, Mindanao.
Samantala, tinatayang nasa 1,500 kilometro sa silangang bahagi ng Mindanao ang pangalawang LPA sa labas ng PAR.
Inaasahang papasok sa PAR ang nasabing LPA bukas, Nobyembre 17 na may mababang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng 24 oras.
Gayunpaman, mayroon ding tsansang maging tropical depression ito habang papalapit sa bansa.