NAGBABALA ang dating peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Atty. Arnedo Valera na hindi dapat maging kumpyansa ang pamahalaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) kahit wala na ang founder nito na si Joma Sison.
Sa episode ng Laban Kasama ang Bayan (LKAB) ngayong araw, Disyembre 21, iminungkahi ni Atty. Valera na bagamat malaking dagok para sa grupo ang pagkamatay ni Sison ay dapat pa rin aniyang ipagpatuloy ang laban kontra komunismo.
“Ang pamahalaan ay hindi pwedeng maging complacent, hindi tayo pwedeng magkampante dahil alam natin na may papalit at papalit dyan para magprovide ng political line,” ayon kay Atty. Arnedo Valera, Coordinator, Global Migrant Heritage.
Nanawagan din si Valera sa pamahalaan na tutukan ang international network nito.
Dahil aniya, malakas pa rin ito sa ibang bansa dahil sa patago nilang fundraising gamit ang mga isyu sa bansa tulad ng land reform at human rights.
Giit ni Valera, dapat ay magkaisa na ang pamahalaan sa pagresolba sa armed conflict na ito at ilahad sa iba’t ibang lider ng ibang bansa ang ginagawa ng komunistang grupo.
“Dito sa international, gamitin dapat ng pamahalaan ang mga tools na meron diyan, yung Anti-Terorism Law ay gamitin din dyan, yung Provision on Engaging and Providing Support, kase yan ang tutuhog sa legal front organizations and then gamitin din yung Anti Money Laundering Law,” dagdag pa ni Valera.
Nanawagan din si Valera sa National Security Council (NSC) na pagtibayin pa lalo ang National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) at huwag nang makipag-peace talk.
“Wag nating lagyan ng tinatawag na paglalaro at pakinggan na hindi dapat magkaroon ng peacetalk or dapat ay magkaroon ng pagpapaliwanag, hindi. Alam natin kung sino ang enemies of the state,” diin pa ni Valera.
“’Yan ay hindi patungo sa tunay na kapayapaan. ‘Yan ay patungo sa tinatawag nating political settlement, comprehesiboing political settlement na kung saan ay gusto nilang mamayagpag without electoral at walang participation ng Pilipino na makamit nila ang kapangyarihan,” aniya pa.
Sa huli, iginiit ni Valera na dapat ay palakasin pa ang edukasyon at oryentasyon hinggil sa CPP-NPA-NDF, hindi lamang sa pamahalaan kundi pati rin sa mga private sector upang makamit ang tunay na kapayapaan sa ating bansa.