Dating VIP Curbside sa NAIA Terminal 1, bukas na sa lahat ng mga pribadong sasakyan

Dating VIP Curbside sa NAIA Terminal 1, bukas na sa lahat ng mga pribadong sasakyan

GOOD news, mga kapartner! Inanunsyo ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) na bukas na sa lahat ng pribadong sasakyan ang main arrival curbside sa NAIA Terminal 1, na dati ay para lamang sa mga VIP. Dahil dito, mas madali na ngayon masusundo ang mga dumadating na biyahero at kanilang mga mahal sa buhay.

Layunin ng pagbabagong ito na mapabuti ang daloy ng trapiko at masiguro ang mas maginhawang karanasan ng mga pasahero sa isa sa mga pinakamasiglang terminal ng paliparan.

Ayon sa NNIC, bahagi ito ng kanilang bagong sistema ng pagsundo sa Terminal 1, na nagpapadali sa pagkuha ng mga pasahero gamit ang pribadong sasakyan, ride-hailing services, at metered taxis.

Mayroong labing-apat na designated loading bays (A1 TO A14) para sa mga pribadong sasakyan, na may mga espesyal na bay para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) at VIPs. Mayroon ding mga bay para sa hotel pickups at terminal transfer shuttle bus services.

May dagdag na pickup area din sa outer curbside (B1-B6), na may Meet and Greet Area at Grab ride-hailing booths.

Ang mga Rent-a-Car services, coupon taxis, at yellow metered taxis ay ililipat sa arrival extension area sa ground level para mabawasan ang siksikan sa main terminal curbside.

Magkakaroon din ng malinaw na mga palatandaan at mag-a-assist ang mga tauhan ng paliparan para gabayan ang mga pasahero at driver.

Hinihikayat ng NNIC ang lahat na sundin ang bagong sistema para sa mas maayos at mabilis na pagdating sa NAIA Terminal 1.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble