PINAKAMAHABANG mountain road tunnel sa Pilipinas, 60% nang kumpleto ayon sa DPWH. Mula sa isang oras at labing isang minutong biyahe ay magiging apatnapu’t siyam na minuto na lang ito!
Ang Davao City Bypass Road Project, na sinimulan sa ilalim ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng programang Build, Build, Build, ay posible nang magbukas sa taong 2028.
Sa isang media tour na isinagawa noong Hunyo a-4 sa Barangay Waan, Davao City, sinabi ni Engineer Joselito Reyes, Project Manager ng Davao City Bypass Construction Project na umabot na sa animnapung porsyento (60%) ang nakumpleto sa nasabing proyekto.
Kabilang sa progress na ito ang mga natapos na bahagi ng kalsada, tulay, underpass, overpass, at iba pang istruktura.
Ang Davao City Bypass Construction Project ay may habang apatnapu’t lima at kalahating (45.5) kilometro, mula Barangay Sirawan, Toril, Davao City hanggang Barangay J.P. Laurel, Panabo City, Davao del Norte.
Sentro ng proyekto ang twin mountain tunnels na may dalawa punto tatlong (2.3) kilometrong haba.
Inaasahang magiging operational ang twin tunnel sa unang quarter ng 2027.
Saad ng project manager, kapag natapos ang proyekto ay bababa na sa apatnapu’t siyam (49) na minuto ang biyahe mula Toril hanggang Panabo, mula sa dating isang oras at labing isang minuto.
Target naman ng Department of Public Works ang Highways na maging fully operational ang nasabing proyekto sa 2028.
Tinatayang ito na ang magiging pinakamahabang mountain road tunnel sa buong Pilipinas, at inaasahang makatutulong sa pagpapa-unlad ng transportasyon at ekonomiya sa rehiyon ng Davao.