DBM, naglaan ng P2-B para sa Green Green Green Program

DBM, naglaan ng P2-B para sa Green Green Green Program

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P2-B para sa Green Green Green Program sa panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).

Binigyang-diin ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pangako ng gobyerno sa mga adbokasiya nito sa kapaligiran alinsunod na rin sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Dagdag pa ni Pangandaman, nananatiling matatag ang dedikasyon ng pamahalaan na makamit ang holistic at sustainable progress.

Gayunpaman, saad ng kalihim, hindi makakamit ang layuning ito kung pababayaan ang kapaligiran.

Kaya naman, nais ng gobyerno na mapanatili ang greener economic practices.

Ang panukalang Green Green Green Program sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ay susuporta sa mga local government unit (LGU) sa pagtataguyod ng mga green open space at mga proyektong pang-imprastraktura para sa aktibong mobility.

Ang programa ay naglalayon na lumikha ng mas sustainable, livable, at resilient community para sa mga Filipino.

Ito’y sa pamamagitan ng construction, rehabilitation, repair, at improvement ng mga pampublikong open space, tulad ng mga pampublikong parke, plaza, at botanical gardens.

Sa ilalim ng Green Green Green Program, inaasahan din na madaragdagan ang koneksiyon at accessibility sa pamamagitan ng pagtatatag ng green infrastructure tulad ng mga daanan ng bisikleta at rack, mga pedestrian footpath at walkway, sports facilities at recreational trails.

PENCAS Bill para sa proteksiyon ng mga likas na yaman ng bansa, suportado ng DBM chief

Habang nananatiling nakatuon ang administrasyong Marcos sa sustainability at green practices, ipinahayag ng Budget Secretary ang kaniyang suporta para sa pagpasa ng Senate Bill No. 2439, o ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act.

Ito ay pangunahing akda ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda.

Kapag naipasa na sa batas, ang PENCAS framework ay dapat magbigay ng isang listahan ng mga statistics sa pagkaubos, pagkasira, at pagpapanumbalik ng natural capital, mga gastusin sa pangangalaga sa kapaligiran, polusyon at kalidad ng lupa, hangin, at tubig, mga pinsala sa kapaligiran, at adjusted net savings.

Inaasahang pangasiwaan din ng PENCAS ang pagbibigay ng mga kasangkapan at hakbang na nakatutulong sa proteksiyon, konserbasyon, at pagpapanumbalik ng mga ecosystem.

Follow SMNI NEWS on Twitter