Dedikasyon ng pamahalaan sa peace process, ipinagtibay ni PBBM

Dedikasyon ng pamahalaan sa peace process, ipinagtibay ni PBBM

IPINAGTIBAY ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dedikasyon ng pamahalaan sa peace process.

Nakiisa si Pangulong Marcos sa pagdiriwang ng ika-9 na anibersaryo ng paglagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro nitong Marso 27.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinagtibay nito ang dedikasyon ng pamahalaan sa peace process at implementasyon ng mga programa sa ilalim nito, tungo sa mapayapa, masagana, at nagkakaisang bansa.

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, sinigurado ni Pangulong Marcos ang pagpapatuloy sa pagtataguyod ng kapayapaan hindi lang para sa Bangsamoro, kundi para din sa isang ‘Bagong Pilipinas’.

“For 9 years, the peace pact has stood firm and the Bangsamoro people have thrived and flourished. We shall ensure that they continue to do so. Under this administration, the political and  normalization tracks of the peace agreement continue to gain momentum,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ibinahagi naman ng Punong-Ehekutibo na patuloy na naghahatid ang BARMM ng kanilang mga pangako sa gitna ng pagpasa ng Bangsamoro Electoral Code.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na tutuparin ng national government ang parte nito upang tuparin ang mga pangako sa ilalim ng mga kasunduang pangkapayapaan at buong maipatutupad ito.

“As we have said before, the path to lasting peace is always under construction but we shall build and walk this path together so that our children and the generations more that will follow shall live lives of prosperity and of peace,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Matatandaang nilagdaan noong March 27, 2014 sa Palasyo ng Malacañang ang Comprehensive Agreement on Bangsamoro sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno ng Pilipinas.

Nagsisilbi itong blueprint ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagbigay-daan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang paglada sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro ay isang hudyat ng pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF kaya itinuturing itong isang makasaysayan, hindi lang sa rehiyon ng Bangsamoro kundi pati ng Philippine government.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter