INIHAYAG ni 1-Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita na hindi kawalan ng pondo ang dahilan ng kakulangan sa plastic ID cards para sa mga driver’s license ng Land Transportation Office (LTO).
Tinukoy ng mambabatas, ang delayed procurement sa plastic cards ang sanhi ng kasalukuyang problemang kinahaharap ng ahensiya.
Ito ang nakikitang rason kaya sa papel naka-print ang ilan sa mga driver’s license.
Noong Huwebes, Mayo 11 nagsagawa ng pagdinig ang committee on transportation hinggil sa kakulangan ng mga driver’s license plastic card na iniisyu ng Land Transportation Office (LTO).
Napag-alaman na sumampa na sa mahigit 230 libo ang bilang ng mga naitalang backlog sa driver’s license cards.
Ang may pinakamaraming backlogs ay naitala sa Region 4A na aabot sa mahigit 47 libo, sumunod ang Region 3 na may halos 39 na libong backlogs.
Dahil dito, ipinag-utos na rin ng LTO ang pagpapalawig ng bisa ng driver’s license na mapapaso o mai-expired simula pa noong Abril 24.
Batay sa memorandum circular ng LTO, nakasaad dito ang pagpapalawig ng validity ng lisensiya hanggang sa Oktubre 31 o sa sandaling matapos na ang procurement ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).
Tinatayang aabot sa P240-M ang inilaan ng pamahalaan para sa pagbili ng 5.2-M piraso ng nasabing license cards. At nakatakda sa Mayo 24 ang opening at submission ng bids sa DOTr.
Panukalang digital driver’s license, tinutulan ng 1-Rider Cong. Bonifacio Bosita
Sa ngayon nagpaplanong gumawa ng digital driver’s license ang LTO sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Pero hindi sang-ayon dito si Rep. Bosita.
Sa kabila nito, naniniwala naman si Bosita na hindi na mauulit pa ang problema ng nasabing ahensiya.
LTO, nagpadala ng memo sa DILG para kilalanin ng mga pulis at LGU traffic enforcer ang validity ng mga napasong lisensiya mula April 24 – October 31, 2023
Samantala, hiniling naman ng LTO sa Department of Interior and Local Government (DILG) na tulungan silang ipaalam sa lahat ng mga lokal na pamahalaan at Pambansang Pulisya, na deputized para magpatupad ng traffic apprehension, hinggil sa pagpapalawig ng validity ng mga napasong lisensiya.
Batay sa liham ni LTO chief Asec. Jose Arturo Tugade kay DILG Sec. Benhur Abalos, maaaring kilalanin ng mga traffic enforcer ang mga official receipt o mga lisensiyang napaso sa pagitan ng Abril 24 hanggang Oktubre 31, 2023.
Ayon kay Rep. Bosita, marami silang natatanggap na sumbong na hindi tinatanggap ng mga enforcer ang kanilng mga napasong lisensiya kasama ang papel na driver’s license.
Inihayag naman ng chairman ng House Committee on Transportation na si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop na wala pang exact date kung kailan masusundan ang pagdinig hinggil sa isyu ng kakulangan ng suplay ng mga plastic cards.