MAGSISIMULA na ang pilot run ng MATATAG Curriculum o ang bagong K-10 Curriculum ng Department of Education (DepEd) ngayong Lunes, Setyembre 25.
Ayon sa DepEd, handa na sila sa nasabing pilot run kung saan nakumpleto na ng Curriculum and Teaching Strand ang pag-train sa mga guro na hahawak sa mga klase.
Dagdag pa ng ahensiya na lahat ng tauhan ng mga paaralan at School Division Office na lalahok sa pilot implementation, monitoring at assessment ay na-orient na rin.
Gagamitin ang mga lesson exemplars at learning activity sheets kasama ang iba pang learning resources na nakahanay sa competencies ng bagong kurikulum.
Inihayag din ng DepEd na na-download na sa mga kasaling rehiyon ang pondong gagamitin para sa pagpapatupad ng K-10.
Ang pagpapalakas ng kadalubhasaan sa mga guro sa pamamagitan ng mga collaborative na aktibidad tulad ng mga sesyon ng Learning Action Cell (LAC) ay nailatag na rin upang tulungan ang mga guro sa paghahatid ng teaching-learning process.