MARIING kinondena ng Department of Education (DepEd) – Schools Division of Negros Occidental ang insidenteng nangyari noong Abril 4 na kinasangkutan ng isang Grade 10 student na nagdala ng hand grenade sa Rafael B. Lacson Memorial High School, Talisay City.
Batay sa impormasyong natanggap ng DepEd, isinumbong ang mag-aaral sa barangay ng isang pedicab driver na binantaan nitong hahampasin sa ulo ng pampasabog nang tumanggi ang driver na ihatid siya sa paaralan.
Agad nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa Talisay City Police Station at sa punong-guro upang ipaalam ang insidente.
Pagdating ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ay agad nilang hinanap ang mag-aaral hanggang sa matagpuan nila ito sa kaniyang silid-aralan.
Ininspeksyon nila ang kaniyang bag kung saan nakuha ang mga tuyong dahon ng marijuana at isang tooter.
Nagsagawa rin sila ng body search at nakita ang hand grenade na nakatago sa kaniyang underwear.
Nahuli na ang mag-aaral at ngayon ay nasa kustodiya ng Talisay City Police Station.