KABI-kabilang sunog ang nagaganap sa iba’t ibang lugar lalo na sa Metro Manila kamakailan.
Kuwento ng isang residente sa Maynila, naranasan din niyang masunugan at hindi biro ang kaniyang pinagdaanan.
“Siyempre pinagdaanan ko ring masunugan, sabi nga mas okay na ‘yung manakawan kaysa masunugan kasi sobra talaga mahirap masunugan, walang-wala talaga,” ayon kay Hashim, Residente ng Maynila.
Para naman kay Mang Julius, matinding pag-iingat ang kaniyang ginagawa partikular sa paggamit ng gasul lalo’t may negosyo siyang karinderya. Sinisiguro din niyang ligtas ang mga linya ng kuryente sa kaniyang bahay at tindahan.
Nagpapatay rin umano palagi ng electric fan lalo na ngayong tag-init si Aling Jeniffer, isa ring taga-Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang nangungunang sanhi ng mga sunog ay may kinalaman sa kuryente lalo’t higit mainit ang panahon ngayon.
Kaya naman nanawagan si Fire Senior Superintendent Annalee Carbajal-Atienza na maging responsable sa mga ginagamit na appliances.
“Sana po maging responsable sa paggamit ng electric fan ‘no, siguraduhin po natin na kung ito ay may kalumaan na at medyo may sira nang bahagya, ang suggestion po, bumili na lang tayo ng bago. Huwag na pong pagtiyagaan na tipirin, i-repair dahil mas malaki po ang magagastos natin. At ang pinakamasaklap, may nasasawi po sa ating pamilya,” paliwanag ni Annalee Carbajal-Atienza, Fire Senior Superintendent & Spokesperson, BFP.
Muling paalala ng tagapagsalita ng BFP ngayong Fire Prevention Month, huwag hintayin na magkaroon ng sunog saka magreresponde.
Bagkus, ngayon pa lang, pag-usapan na dapat ng pamilya paano patayin ang circuit breaker ng tahanan, huwag mag-octopus connection, ipasuri ang tahanan kung may katagalan nang na-construct, huwag iwanan ang niluluto.
Gayundin kapag nagwawalis sa paligid, lalo’t higit mainit ang panahon, nagbabala rin ang BFP sa peligrong dulot kapag nagsisiga.
Pagdating naman sa mala-spaghetti na mga kable ng kuryente sa maraming lugar na posibleng pagmulan ng sunog, sinabi ni Atienza na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay, na nagsisilbing ‘first responder’ sa kanilang nasasakupan.
Nakikipagtulungan din sila sa mga local government unit para ipagpatuloy ang pagbibigay ng kaalaman sa mga komunidad.
“Sabihin na nga po natin na hirap sa buhay, kaya nagre-resort dito sa mga jumpers, pero sana po isipin po nila iyong maaaring maidulot nito at siyempre kasama din natin dito sa monitoring ang mga electrical companies na i-assure iyong safety at iyong kaayusan ng ating mga linya ng kuryente,” dagdag paliwanag ni Atienza.
Sa datos ng BFP mula Enero 1 hanggang Marso 4 ngayong taon, nakapagtala ng 2,442 fire incidents sa bansa. Ito’y bumaba 4,316 na insidente noong nakaraang taon.
61 na munisipalidad sa bansa, wala pang fire trucks at fire stations—BFP
Sa kabilang banda, tiniyak ng BFP na kanilang tinutugunan ngayon ang kakulangan ng mga fire truck at fire station sa iba’t ibang lugar.
Inihayag ni Atienza na nasa ikatlong taon na ang BFP sa kanilang modernization program kung saan nakalatag na ang procurement ng mga fire truck.
Prayoridad aniya na punan ang 61 na munisipidad na wala pang fire trucks at fire stations.
Kaugnay ng Fire Prevention Month, kabilang sa aktibidad ng BFP ang fire drill sa mga high-dense occupation natin kasama ang mga malalaking mall.
Sa susunod na mga linggo, mayroon namang refresher training para sa mga barangay fire brigade kasama na rin ang annual fire safety inspection.
Sa Marso 25, gaganapin ang ika-9 na National Fire Olympics—isang kompetisyong lalahukan ng mga tauhan ng BFP mula sa buong bansa. Ito ay magaganap sa Clark, Pampanga.