INAASAHANG dadami na naman ang kaso ng love scam ngayong nalalapit na Valentine’s Day. Kaya naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay mahigpit na ipinaalala sa publiko na maging maingat para maiwasang mabiktima rito.
Bagama’t nagbibigay ng magandang tool ang social media platforms sa publiko para makipag-ugnayan at makipag-communicate sa mga kamag-anak at kaibigan, ay ito rin ang platform na ginagamit ng mga scammer para manloko.
At ngayong nalalapit na ang pagpatak ng buwan ng Pebrero kung saan isa sa pinakamahalagang okasyon na inaabangan ng publiko ay ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day, ay may mahigpit na paalala ang DICT.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, inaasahang dadami ang kaso ng love scam ngayong Pebrero sa nalalapit na pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Sinabi ni Uy na isa sa mga uri ng cybercrime ang love scam na ang mga binibiktima ay ang mga nakararanas ng “love sick” o ang mga malulungkot ang buhay.
Kadalasang tinatarget ng mga scammer ang mga nakikita sa social media at pinag-aaralan ang profile base sa mga inilalabas na mga post ng kanilang mga gagawing biktima.
Inihayag ng kalihim na dapat malaman ng publiko ang banta sa ganitong klase ng panloloko kaya’t kailangang maging maingat at huwag agad magpapadala sa nasabing modus.
Samantala, inihayag ng DICT chief na kabilang sa isinusulong ng ahensiya ang ‘cyber hygiene’ kung saan dapat matuto ang bawat isa na maging maingat sa mga transaksiyon online.
Binigyang-diin ng kalihim na kahit mga bata na gumagamit na ng mobile phone o nakakonek na ng internet, ay dapat maturuan na ng cyber hygiene.
Sa kabila ng magagandang bagay o oportunidad na nakikita sa social media, ay kailangan ding mapabatid sa mga ito ang banta o panganib na kahaharapin na hatid ng paggamit ng internet.