NAKIPAGPULONG si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. sa mga kinatawan ng Local Government Units (LGUs), government offices at may 200 punong barangay para pag-usapan ang traffic management at road safety sa National Capital Region (NCR).
Ang dayalogo ay ginanap sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City kamakailan bilang bahagi ng serye ng konsultasyon sa mga LGU at mga kinauukulang ahensiya ng pambansang pamahalaan upang pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa trapiko at transportasyon.
Kabilang sa mga tinalakay sa pulong ay ang planong regulasyon ng e-trikes at e-bikes, pagpapatupad ng barangay road clearing operations, at street pay parking ordinance ng LGUs.
Ang resulta ng konsultasyon ay ihaharap kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Regional Town Hall Meeting on Traffic Management na nakatakda sa Marso 25, 2024, ani Abalos.
Sinabi ng DILG Chief na nakipagpulong na rin siya sa Land Transportation Office (LTO), Department of Energy (DOE), at Department of Transportation (DOTr) para pag-usapan ang iba’t ibang problema sa trapiko tulad ng mga e-vehicle sa NCR.