DILG, wagi sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko sa ika-3 pagkakataon

DILG, wagi sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko sa ika-3 pagkakataon

SA ikatlong magkakasunod na taon, muling kinilala ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) bilang isa sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan na tatanggap ng prestihiyosong Antas 2 ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Gaganapin ang paggawad ngayong araw Agosto 30, 2023 sa Manila Metropolitan Theater, lungsod ng Maynila.

Personal na nagpasalamat si Interior Secretary Benhur Abalos sa nakuhang parangal ng kanilang ahensiya hindi lang sa serbisyo publiko kundi sa pagtataguyod sa Wikang Filipino sa pagbibigay ng matino, mahusay at maaasahang paglilingkod sa mamamayan.

Ang KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ay pagkilala para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na sumunod sa implementasyon ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 o EO 335 at nagpamalas ng kahusayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko.

Ani Abalos, ang karangalan ay magsisilbing paalala at inspirasyon upang lalong paigtingin ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagkakaloob ng serbisyo at pagtupad na mandato ng Kagawaran.

Follow SMNI NEWS on Twitter