SA Divisoria ang takbuhan ng mga nais makabili ng pasok sa budget na mga regalo.
Dito naabutan ng SMNI News Team ang magkakaibigan na maaga pa lang ay namimili na ng laruan para panregalo ngayong Pasko.
Sa mga nais mamili ng mga laruan, pinupuntahan sa Felipe St, Divisoria ang mga laruan na nasa P25 lamang gaya ng laruang pana, kotse, truck, manika, at marami pang iba.
Patok din na pangregalo sa mga bata ang mga stuffed toys na nagsisimula sa P70-P1,500 ang presyo depende sa laki.
Ang tindahan naman na matatagpuan sa Sta. Elena Street sa Divisoria ay makikita ang mga iba’t ibang klaseng laruang pambata na naglalaro sa P80-P1,400.
Gaya na lamang ng doll house na ang pinakamura ay nagkakahalaga ng P180 habang ang pinakamahal naman at pinakamalaki ay nagkakahalaga naman ng P1,400 halos kalahati din ang presyo kung bibilhin sa mall.
Sa mga nais magregalo ng bagong damit sa kanilang mga inaanak ay nasa P250 ang pares na puwedeng partneran ng bag para maging fashionista ang inaanak ngayong Pasko na nagkakahalaga ng P100.
Patok din ang mga mugs pangregalo at tumblers na naglalaro ang presyo mula P35-P250.
Tandaan, mas makatitipid ka kung maramihan ang bibilhing regalo.
Sa mga hindi pa nakakabili ng mga Christmas decoration ay marami ka nang mabibili sa mga tindahan dito na nasa 3 for 100 ang presyo.
Bentahan ng mga panregalo, matumal kahit papalapit na ang Pasko
Pero kahit kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria ay matumal naman ang pagbili ng mga ito ayon sa mga vendor kung ikukumpara noong 2022.
Naniniwala naman ang mga nagbebenta sa Divisoria na habang papalapit ang Pasko ay dadami pa ang bilang ng mga mamimili.