DMW: 60 Pilipino sa death row sa abroad, karamihan dahil sa ilegal na droga

DMW: 60 Pilipino sa death row sa abroad, karamihan dahil sa ilegal na droga

KINUMPIRMA ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na humigit-kumulang 60 Overseas Filipino Worker (OFW) ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa, karamihan sa kanila ay nasa Malaysia at Saudi Arabia.

Ayon kay Cacdac, Malaysia ang may pinakamaraming kasong kinahaharap ng mga Pilipinong nahatulan ng kamatayan, sinundan ng Saudi Arabia.

Dagdag pa niya, karamihan sa mga kasong kinakaharap ng mga OFW na nasa death row ay may kaugnayan sa ilegal na droga.

Matatandaang noong 2023 ay inalis ng Malaysia ang mandatory death penalty at binigyan ng kapangyarihan ang mga hukom na palitan ito ng habambuhay na pagkakakulong.

Ayon kay Cacdac, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DMW sa mga awtoridad ng Malaysia upang ang hatol na kamatayan sa mga Pilipino ay mapalitan ng habambuhay na sentensiya.

“Dito sa Malaysia, karamihan ay [kaso ng] drugs, pero kasalukuyang nababawasan ‘yung mga death row cases sa Malaysia kasi nagpasa ang Malaysia ng batas kamakailan lang kung saan allowing to commute sentence from death to life. So, we are in the process, kailangan lang mag-apply,” pahayag ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Kaugnay rito, inanunsiyo rin ni Cacdac na matagumpay na naipauwi sa bansa ang isang OFW mula Mindanao na dating nasentensiyahan ng kamatayan sa Saudi Arabia dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Ang naturang OFW ay nahatulan noong Setyembre 10, 2024, ngunit napawalang-sala noong Enero 2025. Gayunman, umabot pa ng ilang buwan bago siya tuluyang na-repatriate. Nakabalik siya sa Pilipinas noong Hunyo 10 at nakipagkita sa mga opisyal ng DMW kinabukasan.

Sabi ni Cacdac, patuloy ang pagtutok ng DMW sa pagbibigay ng proteksiyon at tulong sa mga OFW na nahaharap sa mga kasong legal sa ibang bansa lalo na sa mga kasong may parusang kamatayan.

“We’re happy, he’s from Mindanao. We’re happy that he will be reunited with his family. Of course, tinulungan natin siya. Magaling ‘yung abogado natin doon sa Riyadh. Rest assured, lalo pa nating paiigtingin ang legal assistance program natin,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble