KINUMPIRMA ni OFW Partylist Congresswoman Marissa Del Mar na isa sa kanilang tutukan ngayon ay ang pag-abolish ng PhilHealth sa mga overseas Filipino worker (OFWs).
Inihayag ni Congresswoman Del Mar sa SMNI News na nagkaroon na sila ng pag-uusap ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots “Ople at nangako na magtutulungan sa adbokasiya para sa kapakanan ng mga OFW.
Sa ekslusibong panayam ng SMNI News kay Del Mar, kasama sa naging pag-uusap nila ni Sec. Susan Toots Ople ay ang panukala sa Kongreso na pagbuwag sa PhilHealth na tila naging pasanin sa mga OFW.
Naniniwala rin si Del Mar na kailangan na rin i-abolish ang PhilHealth sa mga OFW dahil dagdag–parusa lamang aniya ito sa napakaraming gastusin na binabayaran ng mga OFW bago umalis ng bansa.
Aniya, mayroon namang medical insurance ang mga OFW sa kanilang mga employers abroad at hindi na kailangan ang PhilHealth.
Ayon din sa bagong mambabatas bagama’t wala pang budget para sa 19th Congress ang OFW Partylist para lubos na makatulong sa mga OFW, ay nagkaroon naman ito ng partnership sa iba’t ibang pribadong sektor na nag-aalok ng scholarship program sa mga OFW, OFW leaders at mga pamilya ng OFW.
Mayroon ding libreng pag-aaral ng nursing at caregiver na iniaalok ang OFW Partylist.
Bukod sa PhilHealth isa rin sa tutukan ngayon ng DMW at OFW Partylist ay paigtingin pa ang paglaban sa human trafficking sa mga manggagawang Pilipino abroad.
Sa ngayon ayon pa kay Del Mar may sampu pang panukala na ipinasa ang OFW Partylist sa 19th Congress upang tiyakin na mabibigyan pa ng mas kaginhawaan ang mga OFW.
Sa unang SONA ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. umaasa ang OFW Partylist na sa magiging talumpati ng Pangulo kaugnay sa mga OFW ay ang proteksyon at pag-ahon sa poverty ng mga itinuturing na bagong bayani.
BASAHIN: Higit 5K OFWs sa Macau, apektado ng partial lockdown – DMW