KINUMPIRMA ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots “Ople sa SMNI News na mahigit 5,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Macau ang apektado sa ipinatutupad na partial lockdown.
Libu-libo sa mga OFWs ay nakararanas ng No Pay No Leave.
Tiniyak naman ni DMW Secretary Ople na ang kanyang kagawaran ay nakamonitor sa mga Pinoy sa Macau.
“Kasi alam niyo naman marami tayong mga kababayan nagtatrabaho sa mga casino sa Macau. May mga food establishment din na skeletal force. ‘Yung iba naman nagsara na nang tuluyan nasa limang libo mahigit ‘yung affected,” pahayag ni Ople.
Sa panayam ng SMNI News ay sinabi ni Sec. Ople na 100 OFWs sa Macau ang sumailalim sa Mental Wellness webinar.
Sa ngayon ayon pa sa kalihim patuloy pa ring namamahagi ngayon ng food packages ang Philippine Consulate at POLO-OWWA sa mga apektadong OFWs ng partial lockdown.
Samantala, kinumpirma rin ng kalihim ang paghahanda sa repatriation ng mga OFW sa Sri Lanka sa kabila ng patuloy na economic crisis sa naturang bansa.
Nakikipag–ugnayan na rin sila aniya sa DFA para sa pagpapauwi sa mga Pilipino doon.
Matatandaan itinaas ng DFA sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Sri Lanka kung saan hindi pinapayagan na mag-deploy ng bagong OFW patungo doon.
“Pero nakikipag-ugnayan kami sa DFA at sinabi naman sa akin ni Usec. Eddie de Vega na hinahanda na nila ‘yung repatriation flights, ‘yung repatriation flights, ‘yung repatriation assistance kasi mahigit isang daan na ‘yung humihingi ng tulong na makauwi na lang sa Pilipinas,” ani Ople.