DOH, BOQ naka-heightened alert sa mga point of entry ng COVID-19 FLiRT variants

DOH, BOQ naka-heightened alert sa mga point of entry ng COVID-19 FLiRT variants

WALA pang kumpirmadong kaso ng KP.2 at KP.3 o COVID-19 FLiRT variants sa bansa sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ayon kay Health Sec. Ted Herbosa.

Sa isang mensahe, sinabi ni Herbosa na mangangailangan pa ng maraming samples ang kanilang genomic surveillance para sa KP.2/KP.3.

“We have increasing cases of COVID-19 cases but the genomic surveillance will require more samples,” wika ni Sec. Ted Herbosa, Department of Health.

Ayon sa DOH Spokesperson Asec. Dr. Albert Domingo, inaatasan ang mga ospital na mag-report hinggil dito at magbigay ng sample para masuri.

“Hinihikayat ng DOH ang mga doktor at ospital na mag-report at magbigay ng samples,” pahayag ni Asec. Albert Domingo.

Ang COVID-19 FLiRT variants ay classified bilang variants under monitoring ng World Health Organization (WHO).

Sa ngayon, inatasan na ng kalihim ang Bureau of Quarantine at iba pang concerned agencies na paigtingin ang screening ng mga pasahero na nanggaling sa mga bansa na may COVID FLiRT variants.

Isa sa mga bansa na inoobserbahan ng DOH ay ang Singapore.

Pero ayon DOH, hindi dapat maalarma ang publiko sa COVID-19 FLiRT variants.

“Hindi po ito dapat dahilan para maalarma tayo. Tayo po ay nagmamatyag para sa pagpasok kung meron man ng ating KP. 2 at KP. 3. Mild po sila at hindi po problema yan. Kayang kaya ng ating sistema,” dagdag ni Domingo.

Pinaaalalahan ang publiko na sumunod sa minimum health standard.

Magkaroon ng cough etiquette.

Manatili sa bahay kung may acute respiratory symptoms.

Magsuot ng mask kung high risk o immuno-compromised.

Ang lahat ng papasok na biyahero sa Pilipinas ay pinaalalahan na kumpletuhin ang kanilang mga health questionnaire sa e-travel application.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter