DOJ naghahanda sa posibleng pagdinig ng SC; Sec. Remulla iginiit na hindi kinidnap si FPRRD

DOJ naghahanda sa posibleng pagdinig ng SC; Sec. Remulla iginiit na hindi kinidnap si FPRRD

HINILING ng Department of Justice (DOJ) sa Korte Suprema na ibasura ang pinagsamang habeas corpus petitions ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Matatandaan na dahil sa motion for recusal ng Office of the Solicitor General, napunta sa DOJ ang responsibilidad na maging counsel ng gobyerno sa petisyon.

Sa inihaing komento ng ahensiya, sinabi nitong moot at walang merito ang petisyon dahil hindi na hawak ng gobyerno si dating Pangulong Duterte—nasa kustodiya na siya ng International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.

Giit pa ng DOJ, nasilbihan ng warrant of arrest si Duterte kaya hindi ilegal ang naging pag-aresto.

Ang Korte Suprema, inatasan naman ang mga petitioner na sumagot sa komento ng DOJ sa loob ng limang araw.

Ayon kay DOJ Secretary Boying Remulla, naghahanda na sila sa posibleng pagharap sa oral argument o pagdinig ng Korte Suprema hinggil sa pag-aresto sa dating pangulo.

Giit ng kalihim, walang kidnapping na nangyari sa pagdala kay dating Pangulong Duterte sa Netherlands.

Ang pahayag ni Remulla, tinabla naman ng kapwa nitong abogado na si Atty. Salvador Panelo.

Matatandaan na base sa kampo ng mga Duterte, hindi nakapagpalabas ng hard copy ng warrant of arrest ang Philippine National Police (PNP) noong inaresto nila si dating Pangulong Duterte.

Makikita rin sa kumalat na video na kulang na lang kaladkarin ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Police Major General Nicolas Torre III ang dating Pangulo para lang maisakay ito sa eroplano.

Giit naman ni Panelo, wala sa ICC ang hurisdiksiyon ng Korte Suprema kundi sa mga maling gawa ng administrasyong Marcos Jr.

Ito’y kasunod ng pahayag ng DOJ Secretary na malabo nang maibalik sa bansa si dating Pangulong Duterte sakali’t lumabas ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman dahil nasa kustodiya na anila ng ICC si Duterte.

Sinabi naman ni Remulla na wala silang nagawang mali sa pagpapaaresto sa dating Pangulo dahil may international law anila na sinunod ang gobyerno, gaya ng Republic Act No. 9851 o ang Act Defining and Penalizing Crimes Against International Humanitarian Law.

Ikinunsidera din aniya nila ang naging ruling ng Korte Suprema noon.

Sa pananaw naman ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, mali na akusahan ng crimes against humanity ang dating Pangulo kung pagbabatayan ang bilang ng reklamo sa ICC.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble