INIHAYAG ng Department of Justice (DOJ) na aalamin nito kung ano ang totoong nangyari at kung sino ang tunay na nagsasabi ng totoo matapos sabihin ng dalawang aktibista at rebelde mula sa grupong AKAP na sa Manila Bay na dinukot sila ng puwersa ng gobyerno kaya sila nawala noong Setyembre 2.
Pero bago ito, sa presscon noong nakaraang linggo ay sinabi ng National Security Council (NSC) na kusang sumuko ang dalawa sa 70th Infantry Battalion dahil sa gusto na nilang umalis sa kilusan.
Ipinakita rin ng NSC, ang video ng pagsuko ng dalawa sa mga awtoridad.
Pero sa nangyaring presscon naman kanina sa Bulacan kasama ang NTF-ELCAC kung saan inaasahan na patotohanan ng dalawa ang kanilang pagsuko ay bigla na lamang sinabi ng mga ito na dinukot sila ng puwersa ng gobyerno na malinaw na pagbaliktad sa kanilang affidavit.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sa kabila na bukas sila sa anumang reklamo ng dalawa, ay may kakayahan aniya sila na alamin kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Naniniwala rin ang kalihim na dahil sa peer pressure kaya ito ang naging pahayag ng dalawang rebelde.
At sa mga kaaway ng gobyerno, malinaw aniya na paraan nila ito para palabasing masama ang pamahalaan.
Ginagawa aniya ito ng makakaliwang grupo dahil alam nilang humihina na ang kanilang puwersa laban sa gobyerno.
Samantala, may ugnayan nang nangyayari sa pagitan ng National Security Council at DOJ para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga makakaliwang grupo matapos palabasin ng mga ito na dinukot ang dalawang rebelde.
Tiwala ang DOJ na mas magiging maganda ang case build up kung magtutulungan ang mga puwersa ng gobyerno.