TINIYAK nina Department of Labor & Employment (DOLE) Sec. Benny Laguesma at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Dir. Gen. Danilo Cruz na magpapatuloy ang tulong ng kanilang ahensiya sa mga biktima ng oil spill sa Mindoro.
Skills training ang ipagkakaloob ng TESDA habang emergency employment naman ang sa DOLE.
Ani Sec. Laguesma, may inilaan na silang P100 million na pondo para sa emergency employment program.
Saad naman ni Sec. Cruz, nakapag-deploy na sila ng tech-voc instructors sa lugar para ituro ang kinakailangang skills ng mga apektado ng oil spill.
Nagpapatuloy naman ngayon ang profiling sa siyam na munisipalidad na lubhang naapektuhan ng oil spill para masuri kung sino ang dapat matulungan ng pamahalaan.
Pangako naman ng dalawang opisyal ang mabilisan na roll-out ng tulong batay sa mandato sa kanila ng administrasyon.
“Merong direktiba ang Pangulong Bongbong Marcos na bilisan namin din ang pagkilos nang makabangon ang ating mga kababayan na napinsala ng oil spill,” pahayag ng DOLE at TESDA.