DAGDAG na trabaho at oportunidad para magnegosyo sa Pilipinas ang aasahang magbubukas para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Halos apat na taong nagtrabaho sa Saudi Arabia si Ruby Ann.
Pero dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari, napilitan siyang umuwi ng Pilipinas.
Bilang isang single parent, nais niyang kumita para pangtustos sa pangangailangan ng kaniyang anak pero aniya hirap siyang makahanap ng trabaho.
“Nahihirapan pa ring mag-apply. Hindi ko alam kung bakit. Gusto ko talaga magkatrabaho para mapag-aral ko ‘yung mga anak ko. ‘Yun ang kailangan eh. Walang susuporta, walang magpapaaral sa mga bata,” ayon kay Ruby Ann Mayor, OFW mula Saudi Arabia.
Sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW) noong 2020, 80 porsiyento sa mga OFW ang nahirapang maghanap ng trabaho o kumita sa pagbalik nila sa bansa.
83 porsiyento ang nananatiling walang trabaho matapos ang tatlong buwan simula nang sila ay makauwi sa Pilipinas.
Pero inaasahan na mas maraming oportunidad sa trabaho at negosyo sa bansa ang mabubuksan ngayong 2024 para sa mga OFW tulad ni Mary Ann.
Ito ay matapos nilagdaan ng Department of Tourism (DOT) at DMW ang isang memorandum of understanding (MOA) para sa programang “Balik Bayani sa Turismo”.
“Ang layunin po nito makabigay tayo ng mga oportunidad sa ating mga kababayan ang ating returning OFWs na magkaroon ng various skills in the tourism industry para naman po magkaroon sila ng economic opportunity pagbalik nila sa Pilipinas,” ayon kay Sec. Christina Garcia-Frasco, DOT.
Samu’t saring trainings at workshops ang alok ng nasabing reintegration program para sa mga OFW.
May training para sa mga nais magkaroon ng negosyo tulad ng pagbebenta ng souvenirs at pagkain.
Para sa nais maging tour guide, may pitong araw o 30 araw na training course.
Nariyan din ang mga seminar para sa mga gustong pumasok sa industriya ng agri-tourism.
May training din para sa mga nais mag-offer ng accommodation services.
Sabi ng DOT, magandang pagkakataon ito para sa mga OFW para mag-invest sa tourism industry sa bansa.
“Philippine tourism has vigorously recovered and is taking top priority under the Marcos administration. And therefore, is the best time to invest in Philippine tourism whether it be infrastructure, in hotel or accommodations, in marine transportation, and the like,” dagdag ni Frasco.
Sabi ng DMW, malaking tulong ang mga nasabing training para mas maayos na magamit ng mga OFW ang tulong-pinansiyal mula sa gobyerno.
Daan din ito ayon sa ahensiya na magtagumpay ang isang OFW sa anumang negosyo o trabaho ang kanilang tatahakin sa tourism industry.
“May training na sila, mas may kumpiyansa sila. Kapag may natanggap silang hamon sa negosyo nila that is tourism-based or directed ay at least may kumpiyansa sila dahil nakapagtraining na sila,” ayon kay Usec. Hans Leo Cacdac, OIC, DMW.
Maaaring dumulog sa DMW ang mga nais mag-avail sa programang “Balik Bayani sa Turismo”.
Sa datos ng DMW nitong 2023, nasa higit 4,000 OFWs ang nakabenepisyo sa reintegration program ng ahensiya.