DPWH, dapat nang ipatawag sa Senado sa problema sa Flood Control Projects—Sen. Bong Go

DPWH, dapat nang ipatawag sa Senado sa problema sa Flood Control Projects—Sen. Bong Go

SANG-ayon si Senator Christopher “Bong” Go na dapat nang ipatawag sa Senado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para pagpaliwanagin sa problema ng mga pagbaha sa kabila ng mga Flood Control Project.

Matinding pagbaha ang nararanasan sa ilang lugar sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Ito’y matapos ang pananalasa ng Bagyong Egay at mga pag-ulan dala rin ng habagat.

Si Sen. Joel Villanueva na siyang majority leader ay kinuwestiyon ang kakulangan ng Integrated Flood Control program ng gobyerno, at kawalan ng malinaw na polisiya hinggil sa pagpapakawala ng tubig mula sa dams.

Kung kaya, ilan sa malalaking lungsod tulad sa Hagonoy, Calumpit, at Baombong ang lubog pa rin sa tubig-baha.

Naglabas din ng pananaw ang iba pang kasamahan niya sa Senado.

Sa katunayan, sang-ayon si Sen. Go na dapat nang ipatawag sa Senado ang DPWH para pagpaliwanagin sa problema ng mga pagbaha sa kabila ng mga Flood Control Project.

“Ano ba talaga ang plano ninyo? Saan ‘yung plano, saan ‘yung priority para maiwasan at hindi na maulit itong pagbabaha. Alam mo, malaking perwisyo ito sa ating mga kababayan natin.”

“Dapat unahin niyo po ‘yung mga mababang lugar na flood prone huwag lang po kung saan-saan niyo ilalagay ang flood control dapat ilatag. You should explain to the public kung ano ang nangyayari,” ayon kay Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

Pagtatatag ng Dept. of Resilience, muling binigyang-diin ni Sen. Go dahil sa sunod-sunod na kalamidad

At ngayong nahaharap ang bansa ng mga sunod-sunod na namang kalamidad ay muling binigyang-diin ni Sen. Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na isinusulong nito sa Senado.

Giit ni Go, napapanahon na bigyang prayoridad ng pamahalaan ang pagtatatag nito.

Aniya, nagpahayag din ng suporta ang National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) at Office of the Civil Defense (OCD.

Ngunit, sa ngayon ay nasa committee level pa rin ang panukalang DDR.

Mungkahing gawing special PH envoy to China si dating Pang. Duterte, suportado ni Sen. Go

Samantala, pabor din ang senador sa mungkahing Special Philippine Envoy to China si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungkol sa West Philippine Sea (WPS) dispute.

“Mayroon siyang magandang relasyon with the leadership sa Chinese government, si President Xi, magkaibigan po sila at nagkakaintindihan po sila at madali silang mag-usap.“

Pero, malay mo kung makakatulong naman siguro dahil sa pagmamahal niya sa ating bayan ay maaaring makonsidera niya,” dagdag ni Sen. Go.

Ang pahayag na ito ni Go ay matapos ipahayag ni Sen. Alan Cayetano na maaaring epektibong special envoy ng bansa si Duterte para tumulong na makipag-ugnayan sa back-channel dahil sa magandang katayuan niya sa China.

Ito’y dahil sa magandang relasyon ng dating Pangulong Duterte kay President Xi Jinping.

Sinabi ni Cayetano, malaking bagay ito para sa pangangailangan ng bansa para sa back-channel talks sa China para matiyak ang katatagan hindi lamang ng relasyon ng China at Pilipinas maging ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble