Dr. Tony Leachon, naghain ng petisyon sa Korte Suprema vs. ES Bersamin, Kongreso kaugnay sa PhilHealth zero budget subsidy

Dr. Tony Leachon, naghain ng petisyon sa Korte Suprema vs. ES Bersamin, Kongreso kaugnay sa PhilHealth zero budget subsidy

INAKYAT na sa Korte Suprema ang usapin hinggil sa zero subsidy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2025 General Appropriations Act o GAA.

Martes ng umaga, personal na inihain ni Dr. Tony Leachon, isang health reform advocate, ang petition for certiorari laban kina Executive Secretary Lucas Bersamin, sa Senado at sa Kamara para hamunin ang legalidad ng pagtanggal ng subsidiya para sa state insurer.

Binanggit niya ang probisyon sa Republic Act No. 10351, na naglalaan ng walumpung porsyento (80%) ng kita mula sa Sin Tax para sa Universal Health Care, at ang Republic Act11223, na nag-aatas ng premium subsidy para sa mga di-tuwirang kontribyutor ng PhilHealth sa ilalim ng GAA.

‘’Pag hindi na-realize iyong Universal Health Care, hindi natin matutupad iyong free health para sa bawat Pilipino, na dapat sa ngayon, nung pinirmahan ang Sin Tax Law noong panahon ni President (Benigno) Aquino (III), ang gusto natin mapondohan—ang PhilHealth. Kaya nga tinaasan natin ang tobacco at alcohol, at ang pondo niyan pupunta iyan para sa PhilHealth,’’ ayon kay Dr. Anthony Leachon.

Sa petisyon, hiniling ni Leachon na magpalabas ng Temporary Restraining Order ang kataas-taasang hukuman.

Matatandaang ipinagkait ng Bicameral Conference Committee ang pondo ng PhilHealth dahil sa tinatayang anim na raang bilyong pisong (P600-B) reserbang pondo nito mula sa surplus at reserve fund na hindi raw ginamit ng state insurer.

Ayon pa raw kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ang naturang defunding ay nagsisilbing wake-up call para gawin nila nang tama ang kanilang trabaho.

Pero ayon kay Leachon, gustong parusahan ng Kongreso ang mga miyembro ng Philhealth Board pero hinayaang magsakripisyo rito ang mga mahihirap na nangangailangan ng benepisyo mula sa Philhealth.

Para kay Leachon, ang ginawa ng mga mambabatas ay isang betrayal of public trust lalo pa’t may mas maayos na paraan para matugunan ang mga kakulangan ng PhilHealth.

 ‘’There are better ways to address PhilHealth’s inefficiencies rather than resorting to subsidy cuts. At a time when the country’s health care system is already grappling with numerous issues, the removal of PhilHealth’s funding creates an impression that the government has lost its commitment to provide equitable access to quality health care. It sends a disturbing message, that public welfare is no longer a priority,’’ saad ni Dr. Anthony Leachon.

Samantala, ipinagpatuloy ngayong araw ng Korte Suprema ang oral argument o pagdinig hinggil sa kontrobersyal na paglilipat ng halos siyamnapung bilyong pisong (P89.90B) pondo ng PhilHealth sa National Treasury kung saan naroon ang mga representante ng mga petitioner at respondent.

Pebrero 4, unang isinagawa ang oral arguments ng magkabilang panig sa harap ng mga mahistrado para talakayin kung nararapat bang ilipat o hindi ang sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

Nauna nang sinabi ng Department of Finance na ang paglilipat ng pondo ay dumaan sa masusing pagsusuri para magamit ang mga sobra o hindi nagamit na pondo ng gobyerno mula taong 2021 hanggang 2023.

Sa unang araw ng oral argument, nagisa ng Korte Suprema sa pagdinig ang mga opisyal ng PhilHealth hinggil sa section 11 ng Universal Health Care law, kung saan humingi ng paliwanag ang mahistrado kung paano ito nagagamit para bigyang katwiran ang sinasaad nito na dapat ang reserbang pondo ng PhilHealth ay mailaan sa pagpapataas ng programa nito’t bawasan ang pinapataw na kontribusyon sa kanyang mga miyembro.

Ang solicitor general, sinabi namang wala silang masamang plano hinggil sa excess fund at ang fund transfer at kakailanganin para sa iba pang mahahalagang programa ng administrasyong Marcos Jr.

Pinatatangal din ng Solgen si Marcos Jr. bilang respondent sa petisyon dahil daw sa kaniyang immunity from suit.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble